WebClick Tracer

Paolo Contis, Isko Moreno emosyonal sa pagtatapos ng ‘Tahanang Pinakamasaya’

Emosyonal ang ilang host ng “Tahanang Pinakamasaya” sa pagtatapos ng episode nitong Sabado, March 2.

Sa gitna ito ng mga espekulasyong sisibakin na ang noontime show sa GMA 7.

Ang “Tahanang Pinakamasaya” ang ipinalit ng TAPE Inc., sa “Eat Bulaga” nang magdesisyon ang korte na sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon ang may karapatan sa naturang titulo.

Ayon sa source ng Abante, simula sa Lunes, Marso 4 ay mga replay na lang muna ang mapapanood sa noontime slot ng Kapuso Network.

Samantala, noong Sabado’y nagpasalamat ang mga host na sina Paolo Contis at Isko Moreno sa viewers at sa mga advertiser ng “Tahanang Pinakamasaya”.

“Anuman ang gawin mo at anumang problemang kakaharapin, do everything for love. Ganyan ang pagmamahal namin sa inyo mga Kapuso. Araw-araw kami ni Paolo at ang TP family and TAPE Incorporated maghatid ng tahanang pinakamasaya sa bawat pamilyang Pilipino. At siyempre, thank you sa ating mga advertiser and supporters at mga Kapuso natin,” pahayag ni Isko.

“Tama ka Yorme, maraming-maraming salamat po. Ito po ang grand na Sabado. Isa na namang Sabadong hindi natin malilimutan. Lahat ng ito ay alay natin para sa inyo. Mula sa pamilya ng TAPE Incorporated, ang tagahatid ng tulong, saya at unli sorpresa mula pa noong 1979 sa pamamagitan ng Eat Bulaga hanggang ngayon dito sa Tahanang Pinakamasaya,” saad naman ni Paolo. (IS)

TELETABLOID

Follow Abante News on