WebClick Tracer

Mangingisda sa WPS hindi na gaanong nakakaranas ng panggigipit sa Chinese Coast Guard

Nakakapangisda na umano nang maayos ang mga Pilipino sa Bajo Masinloc, na bahagi ng West Philippine Sea (WPS), dahil nabaling ang atensiyon ng China Coast Guard sa pagbabantay sa mga barko ng Philippine Coast Guard.

Sa Bagong Pilipinas public briefing, sinabi ni Philippine Coast Guard Spokesman for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na nakakapangisda na nang walang iniindang takot ang mangingisdang Pinoy dahil sa presensiya ng mga barko ng gobyerno sa WPS.

Ang mga barko aniya ng gobyerno ngayon ang binabantayan ng China Coast Guard kaya hindi na nakakaranas ng harassment at panggigipit ang mga mangingisda sa karagatan.

“Well, as I said ‘no, ang sabi ng ating mga Pilipinong mangingisda, they really appreciate the presence of the Philippine Coast Guard vessel because on those instances, mas nakakatutok sila sa pangingisda dahil ang China Coast Guard, they are also more concentrated on guarding the presence of the Philippine Coast Guard vessel instead of them harassing the Filipino fishermen,” ani Tarriela.

Nakipag-ugnayan na aniya ang PCG Commandant sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa complementary deployment ng mga barko sa lugar.

Tiniyak ni Tarriela na magpapatuloy ang presensiya ng mga barko ng gobyerno sa WPS para mapangalagaan ang karapatan ng mga mangingisdang Pilipino.

“The national government upon instruction of our president, we are going to make sure na nandito pa rin ang presensiya ng ating government vessels para pangalagaan po ang karapatan ng ating mga Pilipinong mangingisda,” dagdag ni Tarriela. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on