WebClick Tracer

People’s Initiative referendum hindi makakaapekto sa 2025 polls kung gagawin sa Agosto, Setyembre – Comelec exec

Buwan ng Agosto at Setyembre umano ang panahon kung saan maaaring isagawa ang referendum para sa People’s Initiative upang hindi nito maapektuhan ang ginagawang preparasyon ng Commission on Elections (Comelec) para sa 2025 national at local elections.

Sa briefing ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms nitong Martes, nagtanong si Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel kaugnay ng posibleng epekto ng pagsasagawa ng referendum sa 2025 polls.

“Paano po maapektuhan ng any possible referendum yung preparations for the 2025 elections in terms of personnel na meron ngayong ang Comelec….?” tanong ni Manuel.

Ayon kay Comelec Executive Director Teopisto Elnas wala pa itong epekto sa kasalukuyan.

“Sa ngayon hindi pa po madi-diskarel o mahahati ang manpower ng Commission, hindi pa po mahahati ang focus ng Commission kasi we are still on the bidding process,” sabi ni Elnas.

“But just in case, sa dulo na last quarter, fourth quarter ng 2024 mangyayari yan…. Sana po hindi na tayo magkakaroon ng plebisito dito sa month ng October, kasi October start na ng filing ng certificate of candidacy hanggang sa November at December so much so pagpasok ng January, February, March at April,” dagdag pa nito.

“Per discussion with the chair, hanggang August or September po kasi pag October na maapektuhan na ang maraming activities natin,” sabi pa ng opisyal.

Ayon kay Elnas bukod sa 2025 national at local elections, magsasagawa rin ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa 2025. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on