WebClick Tracer

Mga dapat abangan sa Kamara

Bago maging abala sa 2025 mid term elections, marami pang mga bagay na dapat na asikasuhin ang mga kongresista lalo at inaasahan ng administrasyong Marcos ang tulong nito.

Bills

Pangunahing mandato ng Kongreso ang gumawa ng batas.

Batay sa listahan mayroong 57 panukala na prayoridad maipasa ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC). Sa bilang na ito apat ang hindi pa natatapos ng Kamara de Representantes.

Nangako si Speaker Ferdinand Martin Romualdez na bibigyang prayoridad ang pag-apruba sa panukalang Philippine Self-Reliant Defense Posture Program Act (House Bill 9713), amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) law, Budget Modernization Bill at National Defense bill.

Ngayong taon ay nagbukas ang sesyon ng Kongreso noong Enero 22 hanggang sa Marso 22.

Ayon sa Legislative calendar, muling magbubukas ang sesyon sa Abril 29 at magsasara ang second regular session ng 19th Congress sa Mayo 24.

Building

Pinag-uusapan ngayon kung lilipat ba ng gusali ang Kamara o hindi. Isang resolusyon ang pinagtibay ng Kamara upang pag-aralan ang panukala na lumipat ito malapit sa bagong gusali ng Senado sa Taguig.

SONA

Sa ika-apat na Lunes ng Hulyo ay isasagawa ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Inaasahan na ilalatag ng Pangulo ang mga nagawa ng kaniyang administrasyon at ang mga panukala na hihilingin nito na aprubahan ng Kongreso.

Sa araw na ito rin magsisimula ang third regular session ng 19th Congress.

2025 budget

Ilang araw matapos ang SONA, inaasahan naman ang pagsusumite ng Department of Budget and Management (DBM) ng panukalang budget para sa 2025.

Batay sa mga nangyari sa mga nagdaang Kongreso, nagtatagal ang pagtalakay ng Kamara sa panukalang budget hanggang sa huling bahagi ng Setyembre o unang bahagi ng Oktubre.

Tatapusin naman ito ng Senado sa unang bahagi ng Disyembre na susundan ng Bicameral Conference Committee meeting upang pag-isahin ang panukalang budget at isusumite ito sa Malacañang bago matapos ang taon.

Chacha

Ano kaya ang mauuna, ang isinusulong na People’s Initiative kung saan magkasamang boboto ang mga senador at kongresista o ang pag-apruba ng Resolution of Both Houses kung saan magkahiwalay na boboto ang Senado at Kamara.

Mapa-PI man o ConAss, ang tiyak ay ang mga senador at kongresista ang maghahain ng mga panukalang pagbabago sa Konstitusyon.

Batay sa usapan, ang economic provisions lamang ng 1987 Constitution ang aamyendahan upang mapaluwag ito ay mas malayang makapagnegosyo sa bansa ang mga dayuhang mamumuhunan.

Eleksyon

Sa Oktubre ay inaasahan naman na maghahain na ng kani-kanilang certificate of candidacy ang mga tatakbo sa 2025 elections.

Kalimitan na kokonti na lamang ang pumapasok sa sesyon kapag mag-eeleksyon pero marami ang dumadalo kapag raratipikahin na ang panukalang budget na madalas nangyayari sa huling sesyon ng taon.

Impeachment

Mayroon kayang maghahain ng impeachment complaint laban sa mga impeachable officials gaya ng Pangulo at Bise Presidente.

Walang naka-aalam kung mayroong nagpaplano o kung may plano man ay itutuloy ba ito. Kaya tayo ay mag-aabang lamang sa mga magiging kaganapan. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on