WebClick Tracer

Taxi driver na nangontrata ng P10K sa NAIA, tinutugis na

Hinahanap ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isang airport taxi driver na viral ngayon sa social media matapos maningil ng mahigit P10,000 para lang maghatid ng pasahero mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 papuntang Terminal 4.

Sa video kasing in-upload, makikitang inabot sa pasahero ang isang fare matrix kung saan nakalagay umano ang singil sa taxi depende sa destinasyon.

Nasa P11,500 ang singil papuntang Terminal 1, P12,000 sa Terminal 2, P13,500 sa terminal 3, at P10,300 naman sa Terminal 4 patungo sa iba’t ibang parte ng Metro Manila.

Nakalagay pa sa ipinakitang matrix ay kung hindi susundin ng pasahero, maaring managot daw ito sa batas.

Sa isang pahayag, sinabi ni LTFRB spokesperson Celine Pialago na nag-uumpisa na ang imbestigasyon ng ahensya at Manila International Airport Authority (MIAA) sa insidente.

Isang netizen umano ang nagsabing nanggaling ang video sa isang group page kung saan siya at nobyo niya ay parehong miyembro.

Kasama sa iniimbestigahan ang isang security guard ng airport matapos ituro umano nito sa Taiwanese passenger na biktima ang airport taxi na naningil ng malaki.

“For sure taxi driver ito dahil sabi doon sa post ‘yung guard daw po witihin the vicinity ang nagtawag sa kaniya. So, those are part of the initial investigation po,” ani Pialago sa isang panayam.

Dagdag pa niya, “Lahat po ng nangyayari sa vicinity ng airport, MIAA na po ang gumagawa ng investigation. Kami naman po sa LTFRB ang naghahanap doon sa driver upang mabigyan siya ng multa,”

Ayon sa LTFRB, ang dilaw na airport taxi ay may flagdown rate na P75 habang ang coupon taxi ay may fixed rate depende sa destinasyon na malalaman bago pa sumakay ang pasahero.

“Ang nangyari po sa viral video ay wala po sa kahit anong kategorya nang taxi,” ani Pialago.

Kung mapapatunayan ang overcharging ng naturang driver, posibleng masuspinde ang prangkisa ng taxi at maharap ang driver sa patong patong na reklamo. (VP)

TELETABLOID

Follow Abante News on