WebClick Tracer

Villafuerte pangungunahan pag-aaral sa paglilipat ng Kamara malapit sa bagong gusali ng Senado

Itinalaga ng Kamara de Representantes si Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte upang pamunuan ang bagong ad hoc committee na magsasagawa ng pag-aaral kaugnay ng posibleng paglipat ng mababang kapulungan malapit sa bagong gusali ng Senado sa Bonifacio Global City (BGC).

“The rationale behind this plan to put the House and the Senate close to each other is meant to facilitate better communication and coordination among the lawmakers of both chambers with regard to legislative work,” sabi ni Villafuerte, pangulo ng National Unity Party (NUP).

Ang Kamara ay matatagpuan sa Batasang Pambansa complex sa Barangay Batasan Hills, Quezon City samantalang ang Senado ay inaasahang lilipat sa BGC sa susunod na taon mula sa Government Service Insurance System (GSIS) complex sa Pasay City.

Dati ay magkasama ang dalawang kapulungan sa Old Congress building sa Padre Burgos Drive sa Ermita, Manila na ginagamit ngayon ng National Museum of Fine Arts.

Ayon kay Villafuerte kasama sa trabaho ng kanyang komite ang pagsasalang-alang sa kapakanan ng mga empleyado na maaaring maapektuhan kung lilipat ang Kamara.

Sina Villafuerte, Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. ng Pampanga, at Deputy Majority Leader David Suarez ng Quezon ang naghain ng House Resolution 1390 na nananawagan na pag-aralan ang posibleng paglipat ng Kamara.

Sina Gonzales at Suarez ay magsisilbing vice chairperson ng ad hoc panel. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on