WebClick Tracer

Agarang pagsunog sa nakumpiskang iligal na droga itinulak sa Kamara

Inihain sa Kamara de Representantes ang isang panukala upang agad na masunog ang mga iligal na droga na nakumpiska sa mga operasyon upang hindi na ma-recycle ang mga ito.

Sa panukalang Prompt Dangerous Drugs Destruction Act (House Bill 9668) na inihain ni House Committee on Dangerous Drugs chairperson at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, papayagan na sunugin ang mga iligal na droga sa mga incineration facilities kasama ang mga crematorium.

Sinabi ni Barbers na hindi maiaalis na mayroong mga nagkakaroon ng interes habang ang iligal na droga ay nasa kustodiya pa ang mga alagad ng batas at hindi pa nasisira.

Sa ilalim ng panukala, ang mga crematorium facility na lalahok sa programa ay bibigyan ng tax incentives.

“Failure or refusal to render free destruction of any seized illegal drugs by the concerned facilities would be a ground for the suspension, revocation, or non-renewal of license or permit to operate said business/es,” sabi ni Barbers.

Ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pipili ng gagamiting crematorium facility sa pagsunog ng iligal na droga at bibigyan ng prayoridad ang malapit sa korte na may hawak ng isinampang kaso.

“The destruction and disposal of seized or confiscated illegal drugs and other substances shall be done through a Court order and the same shall be conducted with the strict supervision of the PDEA,” ani pa ni Barbers.

Ang pagsira ay sasaksihan ng tauhan ng PDEA, isang halal na opisyal ng gobyerno, kinatawan ng National Prosecution Service, media, at civil society group.

Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay inatasan naman na maglabas ng guidelines sa gagawing pagsunog upang hindi ito makadagdag sa polusyon. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on