WebClick Tracer

VP Sara pasalamat sa mataas na rating ng OCTA sa DepED

Nagpasalamat si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte matapos kilalanin ang ahensya bilang ‘Most Trusted and Top Performing Government Agency’.

Ito’y base sa isinagawang survey ng OCTA Research noong Setyembre 30 hanggang Oktubre 4.

“Taos-puso po akong nagpapasalamat sa mamamayang Pilipino para sa patuloy na tiwala at suporta na ibinibigay ninyo sa DepEd,” pahayag ni Duterte.

Bunga raw ng pagtutulungan ang nakamit na tagumpay ng kagawaran.

“Dapat po nating tandaan na hindi ito makakamit ng nag-iisang namumuno o ng iilang tao lamang sa Kagawaran. Ito ay bunga ng kapit-bisig na pagtutulungan at pinagsama-samang kakayahan tungo sa iisang mithiin ng mga taong may pagmamahal sa bansa,” aniya pa.

Binigyang pugay rin ni Duterte ang lahat ng mga guro, kawani, at kasamahan umano nila na “palaging bukas-palad na maglilingkod sa bayan.”

“Ang pagkilala na ito ay ang pagkilala sa dedikasyon at puso sa serbisyo publiko ng ating mga guro, kawani, parents’ support groups, private partners at stakeholders na nagkakaisang tuparin at buuin ang pangarap ng bawat batang Pilipino,” ani Duterte.

Dagdag pa niya, “Sa gitna ng anumang hamon na hinaharap natin, pati na rin sa mga darating pa, patuloy tayong lalaban para sa edukasyon at seguridad ng bawat isa, ng bawat bata — dahil ito ay ang angkla ng tuloy-tuloy na kaunlaran sa ating pinakamamahal na Pilipinas,”

Ayon sa ulat ng OCTA, 80% ang nagsabing nasisiyahan sila sa performance ng DepEd habang 79% naman umano ang nagtitiwala rito. (VP)

SEE RELATED STORY HERE:

Karla Estrada nagpagupit, napagkamalang si VP Sara

TELETABLOID

Follow Abante News on