WebClick Tracer

4 na magkakapatid ba bata, patay ng salpukin ng truck ang sinasakyang kolong kolong sa Pampanga

Kalunos-lunos ang sinapit ng apat na magkakapatid na pawang nasawi nang ang kanilang sinasakyang kolong-kolong ay masalpok ng truck sa Porac-Angeles Road , Brgy Manibaug Pasig, Porac, Pampanga nitong Miyerkoles ng gabi.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Porac municipal police station, pasado alas 10:00 ng gabi nang mabangga ng kasunod nilang forward truck ang kolong-kolong na sinasakyan ng mga biktima at minamaneho ng kanilang tatay.

May pinuntahan lamang daw ang mga ito at papauwi na sa kanilang bahay nang mangyari ang insidente.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nakahinto ang kolong -kolong at patawid sana sa highway nang araruhin ito ng humaharurot na truck mula sa kanilang likuran.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang mga biktima sa kabilang lane subalit nasagasaan naman ang mga ito ng kasalubong na dump truck.

Dead on the spot ang isa sa mga bata samantalang isinugod sa ospital ang tatlo maging ang kanilang tatay, subalit magkakasunod ding binawian ng buhay ang magkakapatid nitong Huwebes ng umaga.

Kinilala ang mga bata na sina Geoft, 10 taong gulang, Fhae Lyn, 8, John Edmon, 6 at Jefferson Canlapan, 2 taong gulang.

Tanging ang 30-anyos na ama ng mga bata na siyang nagmamaneho sa kolong-kolong ang nakaligtas sa aksidente pero nagtamo rin ng mga sugat sa katawan.

Nahaharap sa kasong 4 counts of homicide at damage to properties ang driver ng forward truck na unang nakabangga sa sinasakyang kolong-kolong ng mga biktima.

Nanawagan naman ng tulong ang pamilya ng mga biktima para sa kagastusan sa lamay at pagpapalibing sa mga nasawi na ngayon ay naiuwi na sa kanilang tahanan.

TELETABLOID

Follow Abante News on