WebClick Tracer

‘Sobra na siya eh’: 24-anyos carwash boy kinatay katrabaho habang lasing

Sa murang edad nasira ang kinabukasan ng isang carwash boy sa Quezon City matapos niyang patayin ang kanyang katrabaho.

Inamin ng suspek na si Rodolfo Hinalas Jr., ang ilang beses na pagsakTsak sa biktima dahil umano sa pagiging bastos nito.

“Ginawa ko ‘yun dahil ano bastos siya na tao talaga. Kung hindi pa siya bastos na tao, hindi ko siya masaksak. Sobra na siya eh. Kapag malasing na kasi siya sir lahat kaaway niya,” pahayag ni Hinalas sa programang “Saksi”.

Nakilala ang suspek matapos makita sa CCTV ang pag-alalay niya sa biktima patungo sa barracks ng pinagtatrababuhan nilang carwash shop sa Barangay Greater Fairview.

Hanggang sa nadiskubre na lang ang bangkay ng 32-anyos na biktimang nagngangalang Freddie, na nagtamo ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.

Ayon kay Major Don Don Llapitan ng Quezon City Police District, parehong lasing ang biktima at suspek nang mangyari ang krimen.

“‘Yung ating biktima pauwi sa kanyang pinagtatrabahuhan na kung saan stay-in po siya. Nandun rin po ‘yung suspek natin na kung saan hinawakan ‘yung victim para patulugin sa quarters. Nagkaroon po ng konting pagtatalo at nauwi sa karumal-dumal na krimen,” lahad ni Llapitan.

Sa ginawang follow up operation ng pulisya sa Commonwealth Avenue nadakip ang suspek.

Lumabas sa imbestigasyon na nagkaroon na ng dating alitan ang biktima at suspek.

Binastos umano ng biktima ang kapatid na babae ng suspek.

Nahaharap ang suspek sa kasong murder. (IS)

TELETABLOID

Follow Abante News on