Dalawang groundbreaking initiatives para sa kapakanan ng West Philippine Sea (WPS) fisherfolk communities at frontliners ang gaganapin nitong Nobyembre at Disyembre.
Isasagawa ang “Atin Ito! West Philippine Sea Musical Event” sa November 29, 2023 sa University of the Philippines Bahay ng Alumni.
Isang mahalagang okasyon ito upang palakasin ang kamalayan tungkol sa mga hamon na kinakaharap ng mga komunidad ng mangingisda at mga frontliner sa West Philippine Sea.
Tampok sa event ang mga renowned artist katulad nina Noel Cabangon, Ebe Dancel, Lolita Carbon, Bayang Barrios, Gracenote, 6CycleMind, Autotelic, Hey June, Ena Mora, Leanne and Naara, at marami pang iba.
Maliban sa musical event, isang Christmas convoy civilian supply mission naman ang ikakasa sa Disyembre 5, 2023.
Layunin ng misyon na ito ang isang matapang ngunit mapayapang paggigiit sa mga karapatan at territorial integrity ng ating bansa sa harap ng patuloy na pagiging agresibo ng China.
Sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap na ito, nilalayon nitong maghatid ng mensahe ng pagkakaisa at katatagan laban sa mga hamon sa ating maritime sovereignty.
Ang mahalagang misyon na ito, na binubuo ngayon ng 40 sibilyang bangka, ay nakatuon sa paghahatid ng mahahalagang probisyon sa mga komunidad ng mangingisda at mga frontliner sa rehiyon.
Pinasalamatan ng Atin Ito! ang mga personalidad na sumusuporta sa kanilang layunin gaya nina Akbayan Senator Risa Hontiveros, Senator Manny Pacquiao, Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President Bishop Pablo Virgilio Siongco David, retired Philippine Navy Rear Admiral Rommel Ong; at Tatay, Palawan Vicar Apostolic Bishop Broderick Pabillo.
Gayundin ang tulong at kooperasyon ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa paghahanda para sa “Christmas Convoy Civilian Supply Mission to the West Philippine Sea”. (IS)