Inaprubahan ng House Committee on Basic Education and Culture ang isang panukala na naglalayong palawigin ang subsidiya na ibinibigay sa mga estudyante na nag-aaral sa pribadong paaralan.
Aamyendahan ng panukalang Basic Education Voucher Program ang Expanded Government Assistance to Students and Teachers In Private Education Act (RA 8545).
Sa ilalim ng panukala, magbibigay ng gobyerno ng voucher na magsisilbing pambayad sa mga bayarin sa pribadong paaralan sa kindergarten, elementarya, at sekondarya.
Ang Department of Education (DepEd) ang tutukoy sa halaga ng voucher. Ang halaga ay hindi maaaring mas mababa sa kasalukuyang ibinibigay nito.
Ang halaga ng voucher ay ibabatay sa matrikula at iba pang bayarin sa paaralan at katayuan sa buhay ng estudyante.
Ang mga mahihirap at bulnerableng estudyante batay sa pamantayan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang bibigyan ng prayoridad sa programa.
Itatayo rin ang Bureau of Private Education (BPE) sa ilalim ng DepEd na siyang mangangasiwa sa voucher program. (Billy Begas)