Pinangunahan ni Kat Pimentel ang pagbubukas ng exhibit ng Kagawaran ng Pagsasaka na may pamagat na “AMIA Isang DekaDA Stories of Resilience” kasama ang bagong itinalagang kalihim ng pagsasaka, si Francisco Tiu Laurel, Jr. nitong Lunes.
Bahagi ito ng pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture (AMIA), isang proyektong inilunsad ng Kagawaran ng Pagsasaka na nagbibigay-diin sa lakas at determinasyon ng mga magsasaka at mangingisda ng Pilipinas sa harap ng pagbabago ng klima.
Binigyang-diin ng asawa ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang kahalagahan ng programa ng AMIA sa konteksto ng pagbabago ng klima.
Pinuri ni Pimentel ang Programa ng AMIA sa pagtutulungan ng mga komunidad, lalo na ang mga umaasa sa agrikultura at pangingisda, upang maging matatag sa mga negatibong epekto ng pagbabago ng klima.
Binanggit din niya ang isang espesyal na probisyon sa inihaing badyet para sa taong 2024 ng Kagawaran ng Pagsasaka na layong mapalakas ang kaligtasan ng mga komunidad sa agrikultura sa pamamagitan ng mga proyektong may matibay na imprastruktura laban sa sakuna at ang pag-develop ng mga binhi na may kakayahang mag-angkop sa mga kondisyon ng klima.
Sinabi ni Pimentel, “Ang Pagbabago ng Klima ay nagdulot ng mga hamong pangkalikasan na direktang nakakaapekto sa ating sektor ng agrikultura, forestry, at pangingisda.” Binanggit din niya na ang kontribusyon ng sektor na ito sa Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas ay patuloy na nag-iiba at bahagi ito ng Climate Change.
Binati rin ni Pimentel ang Kagawaran ng Pagsasaka sa pagsusulong ng Programa ng AMIA, kabilang na ang 181 na AMIA villages sa buong bansa, kung saan 20 sa mga ito ay nakikipagtulungan sa Rice Watch Action Center.
“Ang mga modelong komunidad na ito ay pinagmumulan ng mga best practices at sentro ng inobasyon na maaaring tularan ng ibang komunidad,” aniya.
“Sa mga AMIA villages na ito, natatagpuan natin ang mga kwento ng katatagan. Kwento ng mga Pilipinong hindi sumusuko, sa halip ay lumalaban upang mapanatili ang kanilang kabuhayan at ang kalikasan,” wika ni Pimentel. (Dindo Matining)
See Related Story Here:
Rep. Pimentel: Matitirang miyembro ng PDP-Laban ni Duterte sa Kamara, 4-5 na lang