Personal na ibinigay ni Isabelle Daza ang nakalap niyang P1 milyon para kay Elvie Vergara, ang partially blind at inabuso ng employers na kasambahay sa Occidental Mindoro.
Sa video na shinare ni Isabelle sa Instagram, makikita ang pag-abot niya kay Elvie ng puting sobre na naglalaman ng P1 milyong halaga ng tseke.
“Finally was able to give the money to Elvie Vergara herself. A total of ₱1,000,000 in a Manager’s check… To those who donated you have helped change a life and thank you for trusting me that I wouldnt scam you lol,” ani Isabelle.
Saad pa ng actress-TV host, regalo ito kay Elvie para sa lahat ng paghihirap na pinagdaanan nito.
Nitong September naglunsad si Isabelle ng fundraising campaign para sa tulong pinansiyal kay Elvie.
Makalipas lamang ang 10 araw, nagulat ang aktres dahil lumampas na sa target nilang P300,000 ang nalikom sa fundraising at pumalo sa isang milyong piso na mula sa mahigit 800 donor. (IS)