Tumugma sa DNA profile ng mga magulang ng nawawalang si Catherine Camilon ang narekober na ilang hibla ng buhok at bakas ng dugo sa isang abandonadong sasakyan sa Batangas City na pinaniniwalaang may koneksyon sa paglaho ng beauty queen.
“Hair strands at blood na nakita doon sa sasakyan ay nag-match doon sa DNA profile na binigay ng magulang ni Ms. Catherine Camilon,” pahayag ni PNP Criminal Investigation and Detection Group Director Major General Romeo Caramat Jr.
Dagdag pa niya, tumutugma ito sa mga pahayag ng mga witness.
“‘Yung mga witness natin ay hindi nagsisinungaling. There is a corroborative evidence na talagang nakita nilang babae na binubuhat ng mga suspect natin ay certainly si Ms. Camilon,” ani Caramat.
Matatandaang dalawang saksi ang lumutang at sinabing nakita nilang duguan ang ulo ng beauty queen habang inililipat ng tatlong lalaki mula sa sasakyan nito patungo sa isa pang sasakyan.
Nauna nang kinasuhan ng PNP ng kidnapping at serious illegal detention ang suspek na pulis na si Major Allan de Castro, driver at bodyguard niyang si Jeffrey Magpantay at dalawa pang indibiduwal.
Kamakailan ay inamin ni De Castro ang bawal na relasyon kay Camilon.
Lumabas din sa imbestigasyon ng CIDG na sinasaktan umano ni De Castro si Camilon at nakikipaghiwalay na rin umano ang dalaga bago ito nawala, base umano sa screenshots ng chat ni Camilon at ng kanyang kaibigan.
Samantala, nakakita umano ng 17 hibla ng buhok at ilang bakas ng dugo sa narekober na pulang SUV na may kaugnayan umano sa pagkawala ni Camilon.
Wala umanong nakitang fingerprints sa sasakyan dahil posibleng nalinis na ito.
Iniulat na nawawala si Catherine noong Oktubre 12, 2023. (IS)