Patay ang dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo nang kanilang sinasakyan ay makasalpukan ng kasalubong na tourist bus sa Barangay Langtad, City of Naga, Cebu nitong Linggo ng madaling araw.
Galing sa Barangay Langtad patungong Naga City proper ang tourist bus na minamaneho ni Richard Varga, 49-anyos, residente ng Consolacion, habang ang motorsiklo ay galing Cebu City na patungo naman sa Oslob City.
Ayon kay P/Lt. William Homoc, hepe ng City of Naga Police Station, nangyari ang aksidente dakong alas 4:20 ng umaga nang biglang lumipat sa linyang tinatahak ng tourist bus ng Paladin Transport Services ang motorsiklo.
Tinangkang umiwas ang bus na kumabig sa kaliwang lane subalit doon sila nagkasalpukan ng bumalik sa linyang motorsiklo.
Sa lakas ng impact, nagtamo ng mga grabeng pinsala ang dalawang sakay ng motorsiklo na sina Klyde Morchie Rosada, 18-anyos, at Joshua Canceran, parehong taga Bairan, Naga at parehong idineklarang ng mga awtoridad na dead on the spot ang mga ito.
Matapos sumalpok sa motorsiklo, bumangga pa ang bus sa pader sa gilid ng highway na ikinasugat ng walong Taiwanese Nationals na kinabibilangan ng dalawang bata.
Isinugod ang mga ito sa ospital.
Lumalabas sa imbestigasyon na nakakainom ang dalawang nasawi nang mangyari ang insidente.
Pansamantala namang kinustodiya ng Naga Police ang driver ng bus habang patuloy pa ang imbestigasyon.