Isiniwalat ng kapatid ng babaeng binaril sa loob ng Victory Liner bus sa Carranglan, Nueva Ecija noong Nobyembre 15 ang ginawang pagnanakaw ng anak sa biktima.
Sa salaysay sa Carranglan Police nitong Nobyembre 16 ni Susana Mendoza Arucan, kapatid ng babaeng biktima na si Gloria Mendoza Atilano, bago ang krimen, nagawa na raw tutukan ng baril ng kanyang pamangkin na si Charlito Mendoza Atilano Jr., alyas Tisoy, nitong Abril o Mayo 2023 ang kanyang ina.
Hindi na raw ito pinalaki pa ng kanyang Ate Gloria dahil baka makulong ang nag-iisa niyang anak.
Nagsimula raw na hindi magkibuan ang mag-ina nang dumating sila galing Canada.
Kinuha raw kasi ni Tisoy ang passport ng kanyang ina at apo nito para hindi agad makauwi sa Pilipinas.
Nalaman din umano ni Gloria na nauna nang umuwi ang kanyang anak sa kanilang bahay sa Purok 6, Sta. Luciana, Cauayan City, Isabela.
Sumunod na nangyari ay nalaman naman aniya ng kanyang Ate Gloria na dinistrongka ni Tisoy sa pamamagitan ng acetylene ang kanyang vault na nasa kanyang bahay sa Lucas Subdivision, San Fermin, Cauayan City.
Ani Susana, naglalaman umano ang vault ng humigit-kumulang P3 milyong halaga ng alahas at iba’t ibang uri ng titulo na nakapangalan sa kanilang mga magulang, sa kanyang Ate Gloria at sa pamangkin na si Tisoy.
Dahil dito’y kinasuhan aniya ng kanyang Ate Gloria ng kasong robbery si Tisoy pati na rin ang ka-live nitong si Ramina Lagarteja.
Sinampahan din aniya ng kanyang Ate Gloria si Tisoy ng carnapping matapos kunin ang pag-aari niyang pick-up truck.
Kinumpirma ni Susana na may warrant of arrest laban kina Tisoy at Ramina dahil sa nabanggit na mga kaso pero nakalaya pansamantala matapos magpiyansa ng P720,000.
Maaari aniyang pinagkunan ng pampiyansa ni Tisoy ang ibinenta nitong apat na ektaryang lupang nakapangalan sa kanya sa halagang P1.5 milyon kada ektarya.
Samantala, tinanong si Susana kung bakit nag-commute at hindi nagdala ng sasakyan ang kanyang kapatid at ka-live in nito ng limang taon na si Arman Alivia Bautista.
“Ang sabi po niya sa kanyang katulong ay balikan lamang sila papuntang Tarlac City upang kunin ang alahas nito naiwan na nagkakahalaga ng kalahating milyon. At masama din ang kanyang pakiramdam ng mga oras na ‘yun,” ani Susana.
Huli raw nakausap ng kanyang kapatid bago umalis ay ang katulong nitong si Analyn Abad na siya ring kumuha ng tricyle upang ihatid sila sa terminal ng Victory Liner.
Matatandaang inihayag ng Philippine National Police na isa sa posibleng person of interest sa brutal na pagpatay kina Gloria at Arman ang anak ng una.
See Related Story Here:
Anak, suspek sa pagpatay sa mag-live in sa loob ng bus sa Nueva Ecija