WebClick Tracer

Pimentel kay Zubiri: Huwag madaliin pag-apruba ng 2024 budget

Makikiusap ang minority group sa liderato at mayorya na Senado na huwag iratsada ang pagpasa ng panukalang 2024 national budget.

Ito ang sinabi ni Senate minority leader Koko Pimentel matapos ihayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na target ng Senado na aprubahan sa ikalawa at ikatlong pagbasa ang 2024 General Appropriation Bill (GAB) o ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon sa Nobyembre 27.

Noong Sabado, pormal nang tinanggap ng Senado ang 2024 General Appropriations Bill (GAB) na inaprubahan ng Kamara.

“Actually ako ay makikiusap sa majority kasi dalawa lang kami..makiusap kami sa 22 nating kasama sa Senado..na kung pwedeng i-phasing naman namin ito para naman mahimay, may time kami at quality din ang aming intervention,” pahayag ni Pimentel sa panayam sa DZBB nitong Linggo.

Ayon kay Pimentel, hindi lang naman sila minorya ang nagbabantay sa proseso ng national budget kundi maging ang taumbayan aniya’y nais malaman kung ano ang nilalaman nito.

“Nagsusubaybay ang taumbayan. Meron nang gamit ang technology, naka-live stream na ang proceedings naming. Gusto ring maintindihan ng taumbayan yung budget process and yung laman ng budget,” ani Pimentel.

“Gusto malaman ng Sambayanang Pilipinas ang budget process… paano ba ito ginagawa, saan ba ito ginagastos at magkano Yun ang importante ang laman, gusto rin nilang malaman,” saad pa niya.

Sabi pa ng Pimentel, makikiusap siya kay Senador Juan Edgardo Angara, chairman ng Senate finance committee, na kung maari ay i-phasing naman ang deliberasyon at huwag madaliin ang pagpasa panukalang 2024 national budget.

“Ako ay makikiusap bukas kay Chairman Angara na i-phasing naman namin ito huwag namang puro ipa-fast break…Malapit na rin tayo maging senior citizen, sa senior basketball tournament, wala nang fastbreak. Allows us to dribble the ball, hindi pwedeng fastbreak palagi,” sabi ni Pimentel.

Sa mga nagdaang pagpasa ng GAB sa Senado, karamihan ay sa madaling araw isinasalang sa deliberasyon ang mga malalaki at mga mahahalagang ng mga ahensiya ng gobyerno kaya may pagkakataong hindi na ito mahimay ng mga senador.

“Puwede ko sabihin na sa earlier part ng deliberation, doon ang malalaking at kritikal ahensya…tapos pwede na sa dulo na yung mga other executive offices,” ayon kay Pimentel.

“Pero kung pwede sana na from the very start sana, Wag i-cramming sobrang dami kasi aminado ako na ang quality of intervention bumababa,” sambit pa niya.

(Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on