WebClick Tracer

Karne ng baboy bawal sa barko – PPA

Hindi papayagang ikarga sa mga pampasaherong barko at roll-on-roll off (RORO) vessels ang mga karne ng baboy at iba pang frozen products na mula sa baboy.

Ito ang inihayag sa public briefing ni Philippine Ports Authority (PPA) Spokesperson Eunice Samonte dahil sa nananatiling peligro ng African Swine Fever sa mga baboy.

Ayon kay Samonte, may mga ordinansa ang ilang local government units (LGUs) sa Mindoro, Bohol, Negros Oriental at Siquijor na nagbabawal sa pagpasok ng mga produktong gawa sa baboy.

Iniiwasan lamang aniya ng mga nabanggit na LGU ang peligro na makarating sa kanilang lugar ang ASF dahil tiyak na magdudulot ito ng malaking problema.

“Bawal po iyan dalhin sa mga biyahe, bawal po ang pork products kasi iyon ang pinangangambahan ng ibang LGU,” ani Samonte.

Sa katunayan ayon sa opisyal ay mayroon silang nasabat na mga nagdala ng longganisa sa Batangas Port papuntang Mindoro at hindi pinayagang ibiyahe ang mga ito.

Nilinaw ng opisyal na karne ng baboy lamang ang bawal at hindi kasali dito ang ibang meat products gaya ng karne ng baka o karne ng manok.

(Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on