Ibinasura ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mungkahing bawasan ang taripa o buwis sa imported na bigas upang mapababa ang presyo ng lokal na bigas sa mga pamilihan.
Sa ginanap na sectoral meeting sa Malacañang nitong Martes, ipinresenta ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa Pangulo ang inputs ng Department of Finance (DOF), Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Budget and Management (DBM) hinggil sa mungkahing magbawas ng taripa sa imported rice.
Sinabi ng Pangulo na hindi ito ang tamang panahon para ibaba ang taripa dahil sa pagtaya na bababa ang pandaigdigang presyo ng bigas.
“It was not the right time to lower the tariff rates because the projection of world price is that it will go down. So, this is not the right time to lower tariffs. Tariffs are generally lowered when the price is going up,” anang Pangulo.
Matatandaang nagtakda ng price ceiling ang gobyerno sa bigas sa pamamagitan ng inisyung Executive Order no. 39.
Sinabi ng Pangulo na pinag-aaralan pang mabuti kung aalisin na o pananatilin ang itinakdang price cap sa bigas.
“Pag-aaralan nating mabuti,” dagdag ng Pangulo.
Naunang nagpahayag ng pagtutol ang ilang grupo ng magsasaka sa posibleng negatibong epekto ng pagbabawas sa buwis sa imported na bigas dahil ang mga importer lamang ang makikinabang nito.
Mas lalo anilang babagsak ang presyo ng palay at mawawalan ng gana ang mga magsasaka na palaguin ang kanilang produksiyon.
(Aileen Taliping)