WebClick Tracer

MMDA may P21M spy fund panlaban sa kolorum, tiwaling empleyado

Mayroong P21 milyong intelligence fund ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa 2024 na gagamitin umano para labanan ang kolorum at tiwaling empleyado.

Sa pagdinig ng panukalang budget nitong Martes, nagtanong si 1-Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez kaugnay ng nakasulat na intelligence fund sa budget ng MMDA.

“Bakit may intelligence funds po ang MMDA? Are we engaged in intelligence and counter intelligence purposes?” tanong ni Gutierrez.

Sagot ni Caloocan Rep. Mitz Cajayon-Uy, sponsor ng budget ng MMDA, “Ginagamit po ito para sa panghuhuli ng mga kolorum at yung mga tiwaling mga empleyado.”

Sinabi rin ni Cajayon-Uy na ang MMDA ay bahagi ng Metro Manila Network Against Terrorism, isang bahagi ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

“Thank you, Mr. Speaker for that admission. That is something definitely we have to consider in studying the budget,” sabi ni Gutierrez.

Nilinaw naman ni Cajayon-Uy na ang intelligence fund ay hindi bahagi ng General Appropriations Act (GAA) kundi locally funded ng Metro Manila Council.

(Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on