WebClick Tracer

Chiz: Hoarding hindi smuggling ang nagpapataas sa presyo ng bigas

Naniniwala si Senador Francis “Chiz” Escudero na hoarding ang nagpapataas sa presyo ng bigas at hindi smuggling.

“Let me correct lang ng kaunti… hindi smuggling ang nagpapataas ng presyo ng bigas, hoarding ang nagpapataas ng presyo ng bigas,” pahayag ni Escudero sa panayam sa DZBB nitong Linggo.

Sa katunayan, ani Escudero, kung magpikit-mata at kipit-balikat ang gobyerno sa smuggling at pabayaan na lamang pumasok ang bigas sa ating bansa, tiyak umanong babagsak ang presyo ng bigas sa bansa.

Kaugnay naman ng pinamimigay ng pamahalaan ng nakumpiskang bigas mula sa Zamboanga City, sinabi ni Escudero na dapat may masampahan ng kaukulang kaso ang mga taong nasa likod ng hoarding na naturang produkto.

“Madaling sabihin na parang sa pelikula na ‘o nahuli, ipamigay sa mga mahihirap’ parang Robin Hood ba, pero may proseso ya. Hindi naman pupwede na, gaya ng sinabi ko na may krimen pero walang criminal,” ani Escudero.

“Kung illegal mag hoard ng bigas eh di dapat may kasuhan ka ng hoarding, Ang hoarding sa ating batas ay kina-classify bilang economic sabotage. Habang buhay napagkabilanggo at non-bailable ang parusa nyan dahil nakaka-apekto sa ekonomiya,” sambit pa niya.

“Maliwanag naman na ung mataas na presyo ng bigas ay nakakaapekto sa ekonomiya ng ating bansa,” dagdag pa ng senador.

Una nang kinalampag ni Escudero ang Bureau of Customs (BOC) dahil sa kabagalan ng mga ito na magsampag ng kaso laban sa mga smuggler at hoarder ng bigas sa bansa.

Ito’y sa kabila ng sinimulang crackdown ng Marcos administration sa mga pinaghihinalaang kartel ng bigas sa Pilipinas at sa pagpataw ng cap sa presyo nito.

(Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on