WebClick Tracer

DBM nangakong dadagdagan Marawi Compensation Fund para sa 2024

marawi2

Nangako ang Department of Budget and Management (DBM) na dadagdagan ang P1 bilyong Marawi Compensation Fund para sa 2024 upang mas maraming biktima ng digmaan sa Marawi City ang mabayaran.

Sa deliberasyon ng panukalang budget sa plenaryo, sinabi ni Basilan Rep. Mujiv Hataman na P1 bilyon lamang ang nakalaan para sa Marawi Compensation Fund sa susunod na taon.

Sinabi ni Hataman na sa joint hearing ng Kamara de Representantes at Senado noong nakaraang linggo, sinabi ng Marawi Compensation Board (MCB) na nakatanggap na ito ng 4,762 claim application mula Hulyo 4 hanggang Agosto 31. Ito ay nagkakahalaga umano ng P17.46 bilyon.

“These over 4,000 claims have already been verified. Sana man lang makalahati natin ito sa 2024 kasi hindi lang iyan ang kabuuang bilang ng claimants. Mas madami pa, ayon sa MCB,” sabi ni Hataman.

Nang tanungin ni Hataman ang sponsor ng budget ng DBM na si Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo kung maaaring taasan ng Kongreso ang nakalaang budget sagot ng lady solon, “But of course, moving forward, given that meron ganyang kadaming claimants, the remedy would be to … find a way.”

“We will assess based on the submission, yun po ang sinabi ng DBM … Kami po ay makaka-aksyon lamang kapag makapag-submit po sila (MCB) ng isang validated list,” pagpapatuloy ni Quimbo.

Sunod na tanong ni Hataman, “So, ibig sabihin ba niyan, Madam Speaker, distinguished sponsor, once masubmit yung validated (list), popondohan natin yung buong na-validate nila? Dahil nakadepende ang ating commitment kung kailan nila sinubmit?”

Sagot naman ni Quimbo, “Yes, as long as these are validated.”

“Matagal naman nang naghintay ang ating mga kababayang taga-Marawi na muling bumalik sa normal at ibangon ang kanilang gumuhong dignidad at mga tahanan. Hangga’t hindi sila nakakabalik sa kanilang mga tirahan at hindi naitatayo ang kanilang mga tahanan, patuloy ang bangungot para sa kanila,” sabi pa ni Hataman.

“Hangad nating magkaroon na ng closure ang mga biktima ng digmaan sa Marawi. Sana ay madagdagan na ang alokasyon para sa Marawi Compensation Program at maka-move on na sila sa kanilang mga buhay,” dagdag pa ng Basilan solon. (Billy Begas)

See Related Story Here:

Hataman: Ayusin plano para mabayaran lahat ng biktima ng Marawi siege

TELETABLOID

Follow Abante News on