Umapela si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa mga kompanya ng langis na dumamay sa pagpasan sa mataas na presyo ng produktong petrolyo upang mabawasan ang bigat nito sa mga ordinaryong Pilipino.
Ginawa ni Romualdez ang apela sa isinagawang consultative meeting nitong Lunes kasama ang mga kinatawan ng mga oil company at mga opisyal ng Department of Energy kung saan tinalakay ang mga paraan upang mapababa ang presyo ng produktong petrolyo.
“If you are part of the solution, Congress will be very appreciative and supportive of you. But if you are part of the problem, we might have to undertake measures that would be unpalatable to you,” sabi ni Romualdez.
“I hope we can work together to help our people,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Umaasa naman si Romualdez na makakahanap ng paraan ang mga kompanya ng langis upang mabawasan ang kanilang kita.
Nangako naman ang mga kinatawan ng mga kompanya ng langis na ipararating ang apela ni Romualdez sa kanilang mga kompanya at ilalahad ang tugon ng mga ito sa kanilang susunod na pagpupulong.
Sa isinagawang pag-uusap, sinabi ni SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta na dapat bisitahin ang Oil Deregulation Law upang maging transparent ang pricing scheme sa industriya.
Ipinunto ni Marcoleta na nakakuha ang mga kompanya ng langis ng temporary restraining order (TRO) laban sa circular ng DOE na nag-aatas sa mga kompanya ng langis na magsumite ng detalyadong komputasyon ng presyo ng kanilang mga produkto.
Sinabi naman ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo, senior Vice chairperson ng House Committee on Appropriations na nakakapagtaka na parehong-pareho palagi ang nagiging pagtataas o pagbaba ng mga kompanya ng langis.
“There is no reason why you would have the same weekly price adjustments,” sabi ni Quimbo.
Sinabi ni Romualdez na pag-aaralan ng Kamara ang mga panukala na bawasan ang buwis na ipinapataw sa mga produktong petrolyo.
(Billy Begas)