Wala umanong nakitang mali si House Committee on Appropriations senior Vice chairperson at Marikina City Rep. Stella Quimbo sa pagbibigay ng P221.4 milyong contingent fund sa Office of the Vice President (OVP) noong 2022.
“Wala naman akong nakikitang so far na anything improper,” sabi ni Quimbo sa panayam nitong Lunes.
Kasama sa P221.42 milyong pondo ang kinukuwestyong P125 milyong confidential fund na ginamit ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte.
“So ipinaliwanag naman po na ito ay used of contingent fund at mayroon naman pong existing line item at ito yung good governance at social services project,” dagdag pa ni Quimbo.
Nilinaw naman ni Quimbo na ibang usapin ang kung papaano ang ginawang aktwal na paggastos sa naturang pondo.
“So malalaman pa lang po natin yan starting tomorrow kasi mag-uumpisa pa lang ang plenary debates bukas (sa proposed 2024 national budget),” dagdag pa ni Quimbo.
Matatandaan na tinapos ng House Committee on Appropriations ang pagtalakay sa panukalang budget ng OVP nang walang nakakapagtanong alinsunod sa “long-standing tradition.”
(Billy Begas)