WebClick Tracer

Price cap sa bigas panatilihin

Dapat umanong panatilihin ang ipinatutupad na price cap sa bigas upang maproteksyunan ang mga mahihirap na konsumer.

“The government should keep the caps on rice costs as long as these are needed to safeguard consumers against price shocks and counteract potential illegal acts of price manipulation, profiteering and hoarding,” sabi ni House Minority Leader at 4Ps party-list Rep. Marcelino Libanan.

Kung kakailanganin ay bigyan na rin umano ng ayuda ng gobyerno maging ang mga rice trader bukod sa mga maliliit na rice retailers para mapanatili ang rice cap.

Sinabi ni Libanan na hindi malayo na mayroong mga “foreign state actors” na magsamantala upang lumikha ng artificial shortage upang mapataas ang presyo ng bigas sa gitna ng limitadong suplay nito sa pandaigdigang pamilihan.

“In fact, we are also worried that foreign state actors might take advantage of the situation and try to artificially affect global markets to undermine rice-importing countries and their governments,” sabi ni Libanan.

Patuloy ang pag-akyat ng presyo ng bigas mula ng ipagbawal ng India ang pag-export ng non-basmati white rice noong Hulyo upang mabigyan ng prayoridad ang kanilang mga residente sa gitna ng hindi magandang panahon na nakakaapekto sa kanilang produksyon. Ang India ang pangunahing exporter ng bigas sa mundo.

Dahil dito ay dumami ang bumibili ng bigas sa Thailand at Vietnam.

Noong Agosto 31 ay inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order 39 na nagpapataw ng price cap sa bigas.

Sa ilalim ng EO 39, ang presyo ng regular milled rice ay hindi maaari lumagpas sa P41 kada kilo samantalang ang well milled rice ay P45 kada kilo.

Sinabi ni Department of Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual na rerepasuhin ang price cap sa huling bahagi ng buwan kung kailan inaasahang darami ang suplay ng bigas bunsod ng lokal na anihan at inaasahang pagdating ng imported na bigas. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on