Kahit may mga iniindang sakit, nakakapag-golf at nakaka-gimik pa rin gabi-gabi si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang inihayag ng dating Pangulo sa mga bihirang pagkakataon na nakita ito sa social media.
Ayon sa dating Presidente, bahagi na ng kaniyang buhay ang paglabas-labas upang mapanatili ang kaniyang kalusugan.
‘Para sa inyo mga Pilipino, nandito lang ako sa Davao, may mga konting sakit sakit pero nakakalakad pa ako at nakakapaglaro ng golf at lumalayag gabi-gabi kung saan -saan just to keep maybe a good health,” saad ng dating Presidente.
Tiniyak ni dating Pangulong Duterte sa sambayan na nasa Davao lamang ito at hindi nagbabago ang pagmamahal at malasakit nito sa mga Pilipino.
Bagama’t dumanas ng pandemya ang bansa sa ilalim ng kaniyang pamamahala, sinabi ng dating Presidente na ginawa niya ang lahat upang maalalayan ang sambayanan sa epekto ng krisis.
“Mahal ko talaga ang Pilipinas, nakita naman ninyo ang six years ko, ginawa ko talaga lahat sa inyo. Yung panahon ng pandemic, na-timing at yun ang naging dedication ko sa aking mga kababayan,” dagdag ni Duterte.
Pinayuhan naman nito ang mga Pilipino na suportahan ang mga opisyal na nagtatrabaho para sa bayan at magkaisa para sa lahat ng mga Pilipino.
“Back-upan ninyo yung tao na nagtatrabaho sa bayan natin. Huwag na tayo yung mga regional ano… ilocano, bisaya, kalimutan natin yan, passe na yan eh, we only think as one Filipino,” wika ni Duterte. (Aileen Taliping)
Duterte.