Nakorner sa bubong ng bahay na pagnanakawan niya sana ang isang lalaki sa Novaliches, Quezon City.
Ayon sa ulat sa “Unang Balita”, ini-report sa pulisya ng may-ari ng bahay ang suspek.
Nagising umano ang may-ari ng bahay nang marinig nitong tila may binabaklas sa kanyang bubungan.
Paglabas ng may-ari ay nakita nito ang lalaki na may dalang patalim, na kalaunan ay nabatid na gunting.
Ilang beses umanong pinakiusapan ng mga pulis na sumuko nang maayos ang lalaki ngunit nagmatigas ito.
Nagsisigaw raw ang lalaki, naghamon ng patayan at biglang nilusob ang kapulisan, ayon kay Lt. Col. Jerry Castillo, ang commander ng Novaliches Police Station.
Dito nasaksak ng gunting sa braso ang isang patrolman. Isa pa sanang pulis ang sasaksakin ng salarin ngunit mabilis siyang nabaril ng kapulisan at tinamaan ng bala sa balikat.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng suspek na nahaharap sa mga kasong attempted robbery, alarm and scandal at direct assault.