WebClick Tracer

Rep. Duterte top-performing district representative sa Davao region

Muling nanguna si Davao City Rep. Paolo Duterte bilang top-performing district representative ng Davao Region, batay sa pinakahuling survey ng RP–Mission Development Foundation Inc. (RPMD).

Nakakuha si Duterte ng 84.7% sa survey na isinagawa noong Hulyo, mas mataas ng 3.4% kumpara sa nakuha nito sa survey noong Abril 2023.

Nagpasalamat naman si Duterte sa kaniyang mga kapwa Dabawenyos dahil sa kanilang patuloy na pagsuporta sa kaniya.

Nangako rin ang mambabatas na ipagpapatuloy at daragdagan pa ang mga community-based project nito upang mailapit sa publiko ang tulong ng gobyerno.

Si Duterte ay statistically tie kay Davao De Oro Rep. Maria Carmen Zamora na nakakuha ng 85.2%, tumaas mula sa 80.5% na naitala nito sa nakaraang survey.

Ang survey ay mayroong margin of error na plus/minus 1%.

Tabla naman sa ikalawang pwesto si Davao City Rep. Isidro Ungab (79.4%) at Davao Occidental Rep. Claude Bautista (78.6%) na sinundan ni Davao Oriental Rep. Cheeno Miguel Almario (74.15%) na solo sa ikatlong pwesto.

Nasa pang-apat na pwesto naman si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez (71.7%) at Davao City Rep. Vincent Garcia (70.9%) at nasa ikalimang pwesto naman si Davao del Sur Rep. John Tracy Cagas (68.4%) at Davao De Oro Rep. Ruwel Peter Gonzaga (68.2%).

Tabla naman sa ikaanim na pwesto si Davao Oriental Rep. Nelson Dayanghirang (66.7%) at Davao del Norte Rep. Alan Dujali (65.8%).

Ayon sa RPMD, ang House of Representatives Public Satisfaction survey ay bahagi ng ‘Boses ng Bayan’ poll na ginawa mula Hunyo 25 hanggang Hulyo 5.

Mayroon itong 10,000 respondent na pawang mga botante at ang bilang bawat lugar ay nakabase sa opisyal na voting population data. (Billy Begas)

See Related Story Here:

Rep Duterte itinulak P10B assistance fund para sa mahihirap na cancer patients

TELETABLOID

Follow Abante News on