WebClick Tracer

Pagsilip sa kuwestiyunableng transaksyon ng Mexico, Pampanga tinukuran

Wala umanong dapat na ikatakot ang mga negosyante sa ginagawang imbestigasyon ng House Committee on Public Accounts sa mga kuwestiyunableng transaksyon ng Mexico, Pampanga.

Ayon sa chairperson ng komite na si Abang Lingkod Rep. Joseph Stephen Paduano nais lamang ng komite na matiyak na tama ang ginagawang paggastos sa limitadong pondo ng gobyerno at sapat ang batas para labanan ang katiwalian.

“Let me assure all officials of Mexico, Pampanga, investors and relevant stakeholders that this legislative inquiry does not wish to stifle the endeavors of legitimate business investors seeking to enhance and invest in the municipality of Mexico,” sabi ni Paduano.

“Our aim is not to discourage them…both the committee and the House leadership stand in unwavering support of investors, local and foreign, in the country. This stance underscores our support for fostering economic growth and opportunities,” dagdag pa ni Paduano.

Iniimbestigahan ng komite ang P149 milyong halaga ng transaksyon ng lokal na pamahalaan ng Mexico sa pamumuno ni Mayor Teddy Tumang na nauna ng sinilip ng Commission on Audit (COA).

Sa P149 milyon, na-disallow ang P82 milyon. Naibalik na ng kampo ni Tumang ang mahigit P43 milyon sa municipal treasury subalit may natitira pa umanong P39 milyon.

Ayon kay Paduano dapat ay dinala na ng COA sa Office of the Ombudsman ang usapin para sa kaukulang aksyon nito.

Sinisilip din ng komite kung naimpluwensyahan ni Tumang ang procurement process dahil napunta umano ang mga kontrata sa mga malapit dito.

Iniimbestigahan din ng komite ang pagbili ng munisipyo ng isang hektaryang lupa kay Aedy Tai Yang sa halagang P2,950 kada metro kuwadrado o kabuuang P29.5 milyon at sa 1.8 hektaryang lupa mula sa mag-asawang Arnel at Sonia Pangilinan sa halagang P50 milyon o P2,800 kada metro kuwadrado.

Ang naturang mga lupa ay binili ng dalawang panig sa halagang P300 kada metro kuwadrado anim na buwan bago ito binili ng munisipyo.

Itatayo umano sa mga lupang binili ang bagong municipal hall at convention center. (Billy Begas)

See Related Story Here:

House panel pina-subpoena mayor ng Mexico, Pampanga

TELETABLOID

Follow Abante News on