WebClick Tracer

Chinese ambassador dineklarang persona non grata sa Kalayaan

Idineklarang persona non grata sa Kalayaan sa Palawan si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.

Nagkakaisang inaprubahan ng municipal council ng Kalayaan noong Miyerkules ang isang resolusyon na nagdedeklara kay Xilian bilang persona non grata.

Nag-ugat ang resolusyon ni Councilor Maurice Philip Alexis Albayda sa insidente umano noong Agosto 5, nang tangkaing banggain at gamitan ng water cannon ng mga barko ng coast guard at militia vessel ng China ang dalawang supply boat at vessel ng Philippine Coast Guard (PCG).

Sinabi ni Albayda na ang marahas na pagkilos na ito na ipinakita ng China ay hindi lamang nagsapanganib sa buhay ng mga tripulante at sakay ng mga supply boat kundi nakompromiso din ang seguridad ng tatlong kapwa residente ng Kalayaan na sakay ng BRP Cabra ng PCG.

“Alam ba natin na meron tayong mga kababayan na lulan ng BRP Cabra? Walang itulak kabigin, tunay na nakakagalit ang ginawa ng ating kapit bansa,” lahad niya sa kanyang privilege speech.

Ang mga naturang residente ay patungo raw sa Lawak Island noong panahong iyon upang magtayo ng isang silungan para sa mga coastal enforcer.

“Ang representasyon na ito ay tumatayo at ipinapahayag ang pagtutol sa kanilang gawain. Kaya nga po sa natatanging talumpating ito, nais ko pong ihain sa ating plenaryo ang kapasyahang nagtatakda kay Ambassador Huang Xilian, ang ambassador ng China sa Pilipinas, bilang persona non grata sa bayan ng Kalayaan, ang natatanging bayan sa kanlurang karagatan ng Pilipinas,” dagdag pa ng konsehal.

Ipapasa aniya ang kanyang resolusyon sa Department of Foreign Affairs, Senado at Chinese Embassy sa Maynila.

Pangunahing layunin niya ay maiparating ang sama-samang sentimyento ng kanilang isla at i-highlight kay Ambassador Huang Xilian ang kanilang pagtutol hinggil sa mga nakakabagabag na aktibidad ng bansa nito sa West Philippine Sea. (IS)

See Related Story Here:

Chinese Ambassador Huang Xilian kakausapin ni PBBM kaugnay sa mga naging pahayag nito patungkol sa OFWs sa Taiwan

TELETABLOID

Follow Abante News on