WebClick Tracer

Alvarez kinontra pagsibak kay Teves: ‘Maraming iba na mas mabigat pa ang kasalanan pero hindi naman tinanggal’

Hindi kumbinsido si dating Speaker at incumbent Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na mayroong sapat na batayan ang ginawa ng Kamara de Representantes na pagsibak kay Arnolfo Teves Jr. bilang kinatawan ng Negros Oriental.

Sumulat si Alvarez kay House Majority Leader and Zamboanga Rep. Mannix Dalipe upang hilingin na irehistro ang kaniyang pagtutol sa rekomendasyon ng House Committee on Ethics and Privileges.

Ayon kay Alvarez, sa ilalim ng Konstitusyon ay maaaring sibakin ang isang miyembro ng Kamara sa pamamagitan ng two-third vote ng lahat ng miyembro. Inirekomenda ng Ethics panel ang pagsibak kay Teves dahil sa mga ginawa umano nito.

“Tinanggal si Cong. Teves dahil sa absence without leave, sumubok kumuha ng political asylum sa Timor-Leste, at dahil sa mga pinopost niya sa social media. Grave ba yun? Parang hindi naman yata. Maraming iba na mas mabigat pa ang kasalanan pero hindi naman tinanggal,” sabi ni Alvarez.

Naniniwala si Alvarez na ang totoong dahilan kung bakit sinibak si Teves ay ang pagkaka-ugnay dito sa pagpatay kay Governor Roel Degamo.

“Hindi ko alam kung ano yung involvement ni Cong. Teves dun sa nangyaring hindi makatarungang pagpaslang kay Gov. De Gamo. Kaya nga may hukuman, let due process take its course. Yung hukuman ang maghusga pagkatapos makita yung ebidensya, at kung nagkasala, edi hatulan nila, at tsaka nila tanggalin sa Kamara. Kahapon, parang sinabi ng Kongreso na sige, kami na lahat: judge, jury, and executioner,” giit ni Alvarez.

Sinabi rin ni Alvarez na ang Pilipinas ay isang demokratikong bansa at si Teves ay inihalal.

“His removal, without court order, strikes at the cornerstone of the republican and democratic system of the State. The people who voted for him are now effectively deprived of representation and thus disenfranchised,” sabi pa ng solon.

“Halal yan ng taong bayan, may mandate si Cong. Teves. Pero yung pinangunahan nila, shortcut kumbaga, tapos gumawa ng ganitong dahilan di raw kasi okay yung pinaglalalagay sa Facebook, kaya nila tatanggalin, kalokohan yan,” dagdag pa nito.

Dapat umanong hayaang gumulong ang proseso ng hustisya sa kaso.

“Without law and due process, the definition of what justice is simply becomes whatever those in power says it is. How can that be right?” tanong ni Alvarez. (Billy Begas)

See Related Story Here:

Pantaleon Alvarez itinulak civil partnership para sa same-sex couples

TELETABLOID

Follow Abante News on