WebClick Tracer

Pagtataas sa pinapayagang gastos ng mga kandidato pasado na sa Kamara

Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na magtataas sa pinapayagang gastusin ng mga kandidato kapag eleksyon.

Ang House Bill 8370, na mag-aamyenda sa Synchronized National and Local Elections, ay nakakuha ng 268 pabor na boto, tatlong tutol, at isang abstention.

Sinabi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na hindi na realistic ang campaign expense limit na P3 hanggang P10 sa bawat rehistradong botante sa ilalim ng kasalukuyang batas.

“This cap was set almost 32 years ago, in November 1991 when the law was enacted. Factoring in annual inflation, a candidate’s P3 or P10 three decades ago may amount to nothing today. Thus, the need to adjust the expense limit,” sabi ni Romualdez.

Sinabi ni Romualdez na ang pagtataas ng maaaring gastusin ng mga kandidato ay makatutulong sa mga botante upang mas makilala ang mga kandidato at makapamili ng mahusay kung sino ang kanilang iboboto.

“In that sense, the bill would widen the opportunity for the electorate to scrutinize the aspirants and to eventually choose the best, the brightest and the most qualified. The proposed law would enhance the exercise of the freedom of suffrage and strengthen democracy,” dagdag pa ni Romualdez.

Sa ilalim ng panukala, ang campaign expense limit ng mga kandidato sa pagkapangulo ay P50 kada botante, P40 naman sa mga kandidato sa pagkabise presidente, at P30 sa mga kandidato sa pagkasenador, kinatawan ng Kamara de Representantes, gubernador, bise gubernador, board member, mayor, bise alkalde, at konsehal.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, P10 kada kandidato ang pinapayagan para sa mga kandidato sa pagkapangulo at bise presidente at P3 sa mga kandidato sa ibang puwesto.

Nananatili naman sa P5 ang pinapayagang gastos ng mga independent candidates.

Para sa mga political party, ang pinapayagang gastos ay itataas sa P30 mula P5 bawat botante.

Sa ilalim ng panukala ay binibigyan din ng kapangyarihan ang Commission on Elections (Comelec) na itaas ang campaign expense limit batay sa konsultasyon nito sa Bangko Sentral ng Pilipinas, National Economic and Development Authority, at Philippine Statistics Authority. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on