WebClick Tracer

3 hindi dumalo sa pagdinig ng Kamara pinapahanap sa Pampanga police

Humingi ng tulong ang House Committee on Public Accounts sa Pampanga Police upang hanapin ang tatlong indibidwal na hindi sumipot sa isinagawa nitong pagdinig kaugnay ng umano’y mga iregularidad sa transaksyon ng Mexico, Pampanga na nagkakahalaga P149 milyon.

Ang paghingi ng tulong sa pulisya ay nag-ugat sa desisyon ng komite na pinamumunuan ni Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano na ipa-subpoena sina Aedy Tai Yang, Rizalito Dizon at Roberto Tugade.

Sina Dizon at Tugade ay supplier ng equipment at medical supplies samantalang si Yang umano ang may-ari ng lupa na binili ng Mexico municipal government na pinamumunuan ni Mayor Teddy Tumang.

Sa isang sulat na ipinadala kay Paduano at may petsang Agosto 2, sinabi ni Yang na hindi ito nakadalo sa pagdinig dahil sa kanyang “previous commitments.”

“Rest assured, if my presence is required in succeeding committee hearings, I am more willing to attend the same,” sabi ni Yang sa sulat.

Sa kabila nito ay hindi pa rin umano dumalo si Yang sa pagdinig noong Martes.

Sa pagdinig, sinabi nina SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta at Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. lumabas na binili ni Yang at ng mag-asawang Arnel at Sonia Pangilinan ang lupa sa Barangay San Antonio sa halagang P300 kada metro kuwadrado.

Ibinenta umano ng mag-asawang Pangilinan ang isang ektaryang lupa sa halagang P2,800 kada metro kwadrado o mahigit P50 milyon sa lokal na pamahalaan ng Mexico wala pang isang taon matapos nila itong mabili.

Nagkakahalaga naman ng P2,950 kada metro kwadrado o kabuuang P29.5 milyon ang benta ni Yang sa halos isang ektaryang lupa nito.

Sinabi ni Marcoleta na nakakaduda na binili ang dalawang lupa sa parehong araw, noong Hulyo 11, 2022, at ang deed of absolute sale ay ninotaryo ng iisang abogado at kinansela ng Register of Deed ang lumang titulo sa magkaparehong araw.

“Two days later, the Register of Deeds issued new titles to Mr. Yang and the Pangilinan couple. Ang lakas niyo sa Register of Deeds,” dagdag pa ni Marcoleta.

Ang mga lupa ay binili ng lokal na pamahalaan ng Mexico para patayuan ang bagong municipal hall at convention center.

Sinabi ni Marcoleta kay Tumang na hindi sana gumastos ng napakalaki ang munisipyo kung binili ang lupa sa pamamagitan ng expropriation.

“Since these were purchased for P300 per square meter, you could have offered P500 and saved your town about P65 million. The sellers would have had no choice but to sell because it is the right of government to resort to expropriation in case of a badly needed property,” sabi ni Marcoleta.

Sinabi naman ni Tumang na hindi nito alam na maaaring gamitin ang expropriation sa pagbili ng lupa na tatayuan ng municipal hall at convention center at ang alam nito ay magagamit ang expropriation sa paggawa ng kalsada.

Nagsagawa ng special audit ang Commission on Audit sa mga transaksyon ng Mexico at sinilip ang P149 milyong transaksyon nito. Na-disallowed ang P82 milyon at naisoli na ni Tumang at kaniyang mga kasama ang P43 milyon.

Hindi naman naibalik ang nalalabing P39 milyon kaya ipinadala ng COA ang fraud audit report nito sa Office of the Ombudsman. (Billy Begas)

See Related Story Here:

Panukalang pagbabago sa MUP pension bill umusad sa Kamara

TELETABLOID

Follow Abante News on