WebClick Tracer

1 nurse umaasikaso sa hanggang 50 pasyente, ikinabahala ng lady solon

Nagpahayag ng pagkabahala ang chairperson ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa mataas na nurse-to-patient ratio sa bansa.

Ayon kay San Jose del Monte Rep. Florida Robes, itinakda ng Department of Health (DOH) sa 1:12 ang nurse-to-patient ratio pero hindi umano ito nangyayari.

Sa pag-aaral na isinagawa ng Philippine General Hospital (PGH) noong 2020, ang standard nurse-to-patient ratio umano sa general ward ay 1:20.

“In some hospitals, one nurse attends to 20 to 50 patients per shift. Hindi ito dapat ipagwalang bahala dahil ayon sa datos na aking nakalap safe nurse staffing saves lives. Bakit?” sabi ni Robes sa kaniyang privilege speech.

“’One is to ward’ – ito ang kalagayan ng nurse-to-patient ratio. Hindi na po ito biro. With this staffing ratio, is our healthcare system still safe?” dagdag pa ng lady solon.

Sinabi ni Robes na bagama’t ang Pilipinas ang isa sa pinakamalaking producer ng nurse sa mundo, nakalulungkot umano na mayroong kakulangan ng nurse sa bansa.

“Kung pababayaan natin itong magtuloy-tuloy, mayroon pa ba tayong sapat na bilang ng nurse upang pagsilbihan ang sambayanang Pilipino? Overseas migration was not the only factor affecting deficient supply of nurses in the Philippines. The lack of stable jobs and dismal wages also plays a huge factor,” punto ni Robes.

Sa papel, ayon kay Robes, ang entry-level nurse sa pampublikong ospital at Salary Grade 15 o P33,575 kada buwan “pero sa realidad, they only earn around P22,000 per month with no benefits such as statutorily-mandated hazard pay. Ito ba ang sweldo na nakabubuhay ng isang pamillya?”

Malayo umano ito sa pasuweldong US$96,000 kada taon sa Luxembourg, US$87,436 sa Denmark, US$73,000 sa Australia, US$66,594 sa Switzerland at US$50,168 sa Canada.

Nanawagan si Robes sa kaniyang mga kasamahan sa Kongreso na dinggin ang mga hinaing ng mga nurse sa bansa upang hindi umalis ang mga ito.

“Let us create a positive practice environment for them that would encourage them to stay in our country and use their world-class talents and skills to serve our people. Let us stop the brain drain of quality Filipino nurses by providing them decent work and improving their pay,” sabi ni Robes.

Sa pagdami umano ng mga nurse na nagtatrabaho sa bansa ay mababawasan ang medication error, bababa ang mortality rate ng mga pasyente, tataas ang maaaring tanggaping pasyente ng ospital at maiiwasan ang nurse fatigue. (Billy Begas)

See Related Story Here:

Villafuerte pinuri pag-usad ng panukalang legalisasyon ng medical marijuana

TELETABLOID

Follow Abante News on