WebClick Tracer

Walang data base na perpekto – DSWD

Aminado ang pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na walang perpektong data base.

Tugon ito ni DSWD Secretary Rex Gatchalian matapos ihayag na mayroon pa ring mga pinakamahihirap na pamilyang Pilipino ang hindi nakasali sa listahan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng gobyerno.

Sa press briefing sa MalacaƱang, mula sa 4.4 milyong benepisyaryo ng programa, sinabi ni Gatchalian 1.3 milyon sa listahan ang nagkaroon ng problema at mahigit 700 libo sa mga ito ang humingi ng re-assessment dahil marami ang naapektuhan ng lockdown na nagsabing mas naghirap sila.

Inaasahang matatapos aniya ang re-assessment sa susunod na buwan kung saan sasalain ng husto ang mga listahan para sa mga kuwalipikado at karapat-dapat na maisali sa 4Ps.

Ipinarating sa kalihim ang impormasyon na maraming miyembro ng 4PS ay mga kamag-anak ng mga opisyal ng barangay na hindi naman kuwalipikado at marami sa mga constituents na talagang mahihirap ang hindi isinama sa listahan.

“Kami naman aminado tayo, hindi ako statistician, walang magsasabi sa yo na may data base na perfect. Talagang meron at merong may masasamang loob na magsusubok na maglagay doon at mayroon at mayroong enumerators na magiging pasaway at hindi gagawin ang kanyang trabaho,” saad ni Gatchalian.

Hinimok ng kalihim ang publiko lalo na ang mga dapat mapasali sa 4Ps na magsampa ng reklamo sa grievance committee ng kanilang field offices para maaksiyunan ang mga ito.

Nilinaw rin ng opisyal na walang kinalaman ang local government units sa pagpapatala ng mga benepisyaryo dahil ang gumagawa nito ay mga enumerators na binabayaran ng DSWD at ginagawa kada apat na taon.

Sinabi ni Gatchalian na ito ang huling taon na gagamitin ang listahanan para sa 4Ps dahil sa susunod na taon ay ang Philippine Statistics Authority (PSA) na ang mangangasiwa sa database sa pamamagitan ng community-based monitoring system. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

Mga college student kukunin ng DSWD para turuang magbasa Grade 1 pupils

TELETABLOID

Follow Abante News on