WebClick Tracer

Pag-asa Island gawing pugad ng turista, mangingisda – Robin

Bukod sa salita, dapat may gawa ang gobyerno sa pagtanggol ng ating karapatan sa West Philippine Sea – at maaari itong simulan sa pamamagitan ng proyekto para sa turista at mangingisda.

Sa kanyang privilege speech, nanawagan si Senador Robin Padilla sa pamahalaan ng gumawa ng proyekto para paunlarin ang kalagayan ng mga mangingisda, sibilyan at sundalo sa Pag-asa Island matapos niya sila bisitahin noong Biyernes.

“Ang atin pong punto: Napakalaki ng pag-asa sa Pag-asa. Alam naman po natin ito: ‘Lahat ng lugar, kung iiwang nakatiwangwang at walang nakatira, titirahan po yan at titirahan ng mga iskwater,” pahayag ni Padilla.

“Sa kaso po natin, ang mga banyagang iskwater, hindi natin kayang sipain ng pwersahan.’ Ang pinakamainam po sa lahat ay punuin natin ito ng mga Pilipinong maninirahan sa islang tinatawag nating atin,” dagdag niya.

Ayon pa sa senador, kailangang magbukas ng mas malaking oportunidad sa pamumuhunan at kabuhayan para sa mga taga-Pagasa, lalo na ang pangingisda. ”

“Panahon na po para maging pugad ng mga mangingisda ang Kalayaan. Maisasagawa po natin ito kung may fuel dump o gasolinahan sa mismong isla. Dapat ay may sustainable na pagkukunan ng enerhiya ang mga motor boats at power supply para sa mga residente ng Pag-Asa,” ani Padilla.

Nanawagan din si Padilla ng mas malaking suporta sa Pag-asa Island Integrated Elementary and High School para sa mga kabataan ng Kalayaan; pondo para sa pagpapahusay ng mga pasilidad sa Kalayaan, kabilang na ang power system; rubber boat na may outboard motors; at pagbili ng komunikasyon at iba pang mission-essential equipment para sa Kalayaan Island Group detachment.

Samantala, nanawagan din siya para buhayin at buhusan ng puhunan para sa turismo dahil ang kalikasan at karagatan ng Pag-asa ay “kawangis ng Maldives.” “World class po ito kung atin lamang bubuhayin at bubuhusan ng puhunan para sa turismo,” ani Padilla.

Tumungo si Padilla noong Biyernes sa Pag-asa Island kasama ang kanyang maybahay na si Mariel at nagpaabot ng tulong sa mga residente doon. (Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on