WebClick Tracer

Online sports betting ginagamit ng game fixers, pinasisilip sa PAGCOR

Pinasisilip ng isang kongresista sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ang online sports betting service providers na posible umanong ginagamit sa game fixing.

Sa deliberasyon ng panukalang P5.768 trilyong national budget, binanggit ni Quezon City Rep. Franz Pumaren ang isang laro ng PBA D-League kung saan pareho umanong ayaw manalo ng dalawang koponan.

“I think we will have to take a deeper look at it. As a sportsman I know what’s really happening, its’ becoming a tool not only for friendly sports betting nagkakaroon po ng konting problema sa ganyan. I think we have to review it also,” sabi ni Pumaren.

“Maybe you can get in touch with the PBA look into that scenario during the PBA D-League na both teams ayaw sumhoot because ayaw manalo pareho,” dagdag pa ni Pumaren.

Ayon kay Pumaren mayroong 15 kompanya na binigyan ng PAGCOR ng lisensya para sa online sports betting. Ito ang PhilWeb Corp., Orient Capital Ventures, Jade Entertainment and Gaming Technologies, Total Gamezone Xtreme, Glowlight Corporation, Breddas Inc., Infinitech Digital Gaming Corp., Kingwin Ventures, Trojans Well Entertainment Corp., Las Casas Gaming, Sandbox Entertainment, Silver Goose 8 International, GoTech Entertainment, at One Visayas Gaming Corp.

Positibo naman ang naging tugon ni PAGCOR Assistant Vice President Jeremy Luglug sa hiling ni Pumaren.

Batay sa datos ng PAGCOR, ang gross gaming revenue ng mga lisensyadong electronic games kasama na ang bingo at sports betting ay umabot sa P21.43 bilyon sa unang anim na buwan ng 2023, mas mataas sa P13 bilyong naitala sa kaparehong panahon noong 2022.

Noong nakaraang linggo, iniulat ng DigiPlus Interactive Corp., ang may-ari ng Total Gamezone Extreme sa Philippine Stock Exchange na kumita ito ng P1.08 bilyon sa unang anim na buwan ng 2023, kabaliktaran ng P256.4 milyong lugi nito sa kaparehong panahon noong 2022. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on