WebClick Tracer

Mga residente sa Tondo inararo ng fire truck, 1 patay

Nasawi ang isang senior citizen habang walo pa ang sugatan matapos silang araruhin ng fire truck na rumeresponde sa sunog sa Ilaya St., Tondo, Maynila nitong Lunes, Agosto 14.

Mabilis ang takbo ng fire truck at nawalan ng kontrol sa manibela ang driver nito sa P. Herrera 1st Street patungong Ilaya kung nasaan ang sunog, ayon sa ulat ng ABS-CBN.

Ani Maj. Philipp Ines, spokesman ng Manila Police District, nailang ang driver sa isang tent na nasa tabi ng kalsada kaya nawalan ito ng kontrol sa manibela at naikabig sa kanan kung saan naroon ang mga biktima.

Sinalpok ng fire truck ang lolang si Violeta Estabillo, 62-anyos, na pumanaw sa ospital habang tatlong menor de edad naman ang kabilang sa mga sugatan.

Mahaharap ang driver ng fire truck sa mga kasong reckless imprudence resulting in homicide at multiple physical injuries and damage to property.

Nasa kustodiya na siya ng Manila Traffic Section. (IS)

TELETABLOID

Follow Abante News on