WebClick Tracer

Klase sa mga paaralang winarak ni ‘Egay’ tuloy pa rin

Hindi magiging sagabal ang mga nasirang silid-aralan para sa pagbubukas ng klase ngayong pasukan.

Ito ang tiniyak ni Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte-Carpio sa harap ng ginagawang paghahanda para sa pasukan ng mga estudyante sa August 29, 2023.

Ayon sa Pangalawang Pangulo, para hindi maiwanan ang mga estudyanteng walang magamit na classroom, ipapatupad ang blended learning program upang magtuloy-tuloy ng pag-aaral ng mga estudyante.

Kung hindi aniya abot sa pasukan ang pagkumpuni sa mga nawasak na paaralan at mga silid-aralan, sinabi ni VP Sara na gagamitin ang alternatibong paraan para hindi makompromiso ang pag-aaral.

“Kung hindi po umabot yung repairs by opening ng August 29 ay immedately i-implement ang ating mga paaralan yung blended learning program natin dahil wala na pong learning disruption ang direction ng Department of Education,” ani VP Sara.

Sa ngayon aniya ay prayoridad sa kanilang budget ang pagkumpuni sa mga nasirang mga paaralan at mga classroom kaya ito ngayon ang tinututukan ng DepEd.

Tiniyak naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ginagawa ng gobyerno ang pinakamabilis na paraan para maayos kaagad ang mga winasak ng bagyong Egay.

Aminado ang Presidente na sagabal ang pabago-bagong takbo ng panahon subalit siniguro nito na magpapatuloy ang School Building Program para sa maayos na pag-aaral ng lahat na estudyanteng Filipino. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on