WebClick Tracer

Iniimpluwensiyahan daw DENR: Bohol solon pinadidisiplina sa Kamara

Isang reklamo ang inihain sa House Committee on Ethics and Privileges laban kay Bohol Rep. Edgardo Chatto kaugnay ng tangka umano nitong impluwensyahan si Environment Secretary Antonia Loyzaga-Yulo sa magiging desisyon kaugnay ng agawan sa suplay ng tubig sa bayan na pinamumunuan ng kanyang misis.

Inihain nina Emmanuel Ramasola, Erastus Leopoldo at Bohol Clean Water Alliance ang 21-pahinang verified complaint noong Agosto 10.

“Complainants most respectfully pray that the Honorable Committee on Ethics and Privileges recommend to the House of Representatives that Representative Edgar M. Chatto of the First District of Bohol be disciplined for violation of the Code of Conduct and for disorderly behavior, and if warranted suspend or expel said Representative Chatto,” sabi sa reklamo.

Ayon sa reklamo, sa pagdinig ng subcommittee ng House Committee on Appropriations sa budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong Setyembre 2, 2022 ay sinabi ni Chatto kay Loyzaga-Yulo na suportado nito ang budget at mga proyekto ng ahensya.

Nagsalita umano si Chatto kaugnay ng climate change na nauwi sa kakulangan ng suplay ng tubig. Inirekomenda umano ni Chatto kay Loyzaga-Yulo na repasuhin ang polisiya ng ahensya at bigyan ng prayoridad ang mga lokal na pamahalaan kaysa sa pribadong sektor.

“Secondly, there is a need to really look on some policy measures specifically on giving preference to LGUs over private entities in developing (unintelligible) jurisdictions. It would have to balance interests. It should always be first for the benefit of (unintelligible) the public which the LGUs are given the mandate to deliver,” sabi ni Chatto na dumalo sa naturang pagdinig sa pamamagitan ng Zoom.

Sa ginawa umanong ito ni Chatto, sinabi ng mga nagrereklamo na nilabag nito ang mga probisyon ng Code of Conduct ng Rules ng Kamara.

Ang pahayag umano ni Chatto sa pagdinig ay may kaugnayan sa Water Permit Application ng bayan ng Balilihan na pinamumunuan ng misis ng kongresista na si Mayor Ma. Pureza Chatto noong 2019.

Nais umano ng bayan ng Balilihan na kumuha ng tubig sa Bugwak Spring na nasa Barangay Magsaysay sa bayan ng Sevilla.

Inaprubahan ng National Water Resources Board (NWRB) ang aplikasyon noong 2020 subalit tinutulan ito ng Richli Corp., na mayroon ding nakabinbing water permit application.

Ibinasura umano ng NWRB ang pagtutol ng Richli na naghain naman ng mosyon at hiniling na magsagawa ng inspeksyon sa lugar.

Pinagbigyan ang pagsasagawa ng ocular inspection noong Disyembre 2021 kung saan nakita umano ng mga tauhan ng NWRB na hindi totoo ang nakasaad sa aplikasyon ng bayan ng Balilihan na ang pagkukuhanan nito ng tubig ay bahagi ng munisipalidad.

Binawi ng NWRB ang pagpayag nito sa aplikasyon ng bayan ng Balilihan dahil dito.

Ginamit umano ni Chatto ang pagdinig ng Kamara upang impluwensyahan ang kahihinatnan ng kaso. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on