WebClick Tracer

Escudero sa gobyerno: Ilabas accounting sa road users’ tax

Dapat pagandahin ng gobyerno ang koleksyon ng buwis gayundin ang pagpapaigting sa pagsugpo ng korapsyon sa halip na unahin ang planong magdagdag ng buwis nang sa gayon ay hindi madagdagan ang pasanin ng mga “overtaxed” nang mga Pilipino.

Ito ang sinabi ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero bilang pagtutol sa plano sa isinusulong na panibagong buwis ng mga economic manager ng gobyerno na inendorso naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) noong nagdaang buwan.

“Para sa akin dapat i-improve muna ‘yong tax collection,” pahayag ni Escudero sa panayam sa telebisyon.

Nauna nang hiniling ni Marcos sa Kongreso na magpasa na bagong buwis tulad ng excise tax sa single-use plastics, palawigin ang Value-Added Tax (VAT) sa digital services, i-rationalize ang mining fiscal regime at itaas ang Motor vehicle user’s charge/road user’s tax (MVRUT).

Kaugnay ng road users’ tax, sinabi ni Escudero na dapat magsagawa ang gobyerno ng accounting sa nakolektang buwis mula nang maging batas ito 20 taon na ang nakakaraan.

“Ipakita muna nila kung saan nga ba nagastos ‘yong road users’ tax na earmarked ‘yan para sa ikakaayos ng mga lansangan para sa mga motorista. Mahigit P140 bilyon na ang nakolekta mula sa road users’ tax. Nasaan ba nagastos ‘yon?” tanong ng senador.

Sa halip naman ng palawakin ang base sa VAT, sinabi nitong palalakasin ng collection agencies tulad ng Bureau of Internal Revenues (BIR) at Bureau of Customs (BoC) ang kanilang tax collection campaign.

Bagama’t ang Pilipinas ang may pinakamataas ng VAT rate kumpara sa ibang bansa, hindi pa rin umano epektibo ang koleksyon na 40 porsyento lamang.

“Kaugnay naman ng value added tax, ayon mismo sa Kalihim ay 40 percent lamang ang nakokolekta sa target nila sa VAT. Pwes, bakit hindi natin dagdagan ‘yong collection efficiency at gawing 50 o 60 porsyento bago tayo mag-isip ng panibagong buwis?” punto ni Escudero. (Dindo Matining)

See Related Story Here:

Media literacy subject huwag isama sa curriculum – Escudero

TELETABLOID

Follow Abante News on