WebClick Tracer

DepEd inatasan ni PBBM na pag-aralan ang pagtataas sa sahod ng mga guro

Kumikilos na ang Department of Education (DepEd) para pag-aralan ang pagdaragdag ng sahod ng mga pampublikong guro.

Ito ang inihayag ni Vice President Sara Duterte-Carpio matapos tanungin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isyu ng dagdag-sahod para sa mga guro.

Sinabi ni VP Sara na inatasan na sila ng Pangulo na gumawa ng pag-aaral kung paano ba dapat madagdagan ang sahod ng mga pampublikong guro, maliban sa salary standardization law.

Nais aniya ng Presidente ang long-term na paraan o sistema para madagdagan ang take home pay ng mga guro at non-teaching personnel ng Department of Education.

“Noong pagpasok namin last year, pag-upo ko, nag-utos si Pangulong Marcos na mag-procure ng study ng hindi lang yearly increase but the long term outlook kung paano ba dapat ang increases ng sweldo ng ating mga teaching and non-teaching na DepEd personnel,” saad ni VP Sara.

Hinihintay na aniya ng kanyang tanggapan ang resulta ng pag-aaral kung saan ikukunsidera ang aspeto ng inflation at economic indicators at pagtaya sa magiging kalalabasan nito sa mga darating na taon.

Matatandaang isa sa ipinangako ni Pangulong Marcos Jr. noong panahon ng kampanya ang pagtataas sa sahod ng mga guro, subalit sa proposed 2024 national budget ay walang alokasyon para sa salary increase ng mga pampublikong guro.

Nitong Lunes ay magkasama ang Presidente at Pangalawang Presidente para sa pagbubukas ng Brigada Eskwela sa Victorino Mapa High School sa San Miguel, Manila bilang hudyat ng paghahanda ng DepEd para sa pagbubukas ng pasukan para sa school year 2023-2024. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

PBBM suportado ang bagong curriculum sa K-10 program ng DepEd

TELETABLOID

Follow Abante News on