WebClick Tracer

Villafuerte pinuri pag-usad ng panukalang legalisasyon ng medical marijuana

Pinuri ni National Unity Party president at Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte ang dalawang komite ng Kamara de Representantes sa mabilis na pag-aksyon sa panukalang legalisasyon ng medical marijuana.

Kasabay nito ay muling iginiit ni Villafuerte ang pangangailangan na itayo ang Philippine Cannabis Development Authority (PhilCADA), ang regulatory body na siyang mangangasiwa sa lokal na produksyon ng non-addictive cannabis at pag-export nito sa ibang bansa.

Si Villafuerte ang isa sa mga kongresista na naghain ng panukalang kaugnay ng legalisasyon ng medical cannabis na dininig kamakailan ng House Committee on Health at on Dangerous Drugs.

“The rationale behind establishing an Authority is that we need a new state agency to strictly focus on the product, on cannabis … to research, promote, cultivate. Importante po yan kasi hindi po pwedeng i-legalize natin tapos bahala na po ang DOH (Department of Health),” sabi ni Villafuerte.

Iginiit ni Villafuerte na ang kanyang isinusulong ay ang cannabidiol o CBD, ang non-addictive, non-intoxicating strain ng cannabis plant, na iba sa tetrahydrocannabinol (THC) na mayroong sangkap na nakaka-high at nakaka-adik.

Ipinunto ni Villafuerte na mayroong mga bansa na mahigpit ang kampanya laban sa drug trafficking subalit pinapayagan ang produksyon ng medical cannabis o ikinokonsidera ang legalisasyon ng medical marijuana.

Sa nakaraang pagdinig, binuo ng mga komite ang joint technical working group na pamumunuan nina Batangas Rep. Gerville Luistro at Malasakit at Bayanihan Rep. Anthony Rolando Golez Jr. para pag-isahin ang mga panukala at plantsahin ang magkakaibang probisyon ng mga ito. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on