WebClick Tracer

Romualdez: Pagpapalakas ng ugnayan ng ASEAN countries, lilikha ng dagdag trabaho para sa mga Pinoy

Ang pagpapalakas umano ng ugnayan ng Pilipinas sa mga karatig-bansa nito ay makatutulong upang madagdagan ang mapapasukang trabaho ng mga Pilipino, ayon kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

“We support initiatives for enhanced cooperation and partnerships with our neighboring countries as key to unlocking the enormous potential for mutual growth and development that would generate gainful work and livelihood opportunities for Filipinos,” sabi ni Romualdez.

Ginawa ng lider ng Kamara ang pahayag sa gitna ng ulat na umakyat sa 4.5% ang unemployment rate ng bansa noong Hunyo 2023 o nasa 2.3 milyong Pilipino ang naghahanap ng trabaho.

Mas mataas ito sa 4.3% na naitala noong Mayo 2023 subalit mas mababa sa 6.0% na naitala noong Hunyo 2022.

Sa 44th AIPA (ASEAN Inter-Parliamentary Assembly) General Assembly na ginanap sa Indonesia kamakailan, iginiit ni Romualdez na ang pag-unlad ng ASEAN region ay nakasalalay sa kooperasyon at pagtutulungan ng mga bansang kasapi nito.

“Our parliamentarians are key to enhancing economic growth, financial stability, and social inclusion, and in addressing poverty and promoting institutional stability. Legislative actions can facilitate access to markets, and improve resource allocation and regional productivity,” dagdag pa ni Romualdez.

Isa umanong pagpapakita ng kooperasyon, ayon kay Romualdez ay ang pagsulong ng BIMP-EAGA Vision 2025 na may potensyal na magparami ng mga turistang bumibisita sa bansa at mapapasukang trabaho sa tourism sector.

Ang Brunei Darussalam–Indonesia–Malaysia–Philippines East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA) ay itinayo noong 1994 upang matulungang umunlad ang iba’t ibang lugar sa mga kasaping bansa.

Kasama umano sa BIMP-EAGA Vision 2025 ang pagpapalakas ng sektor ng agrikultura upang maging food basket ng Asya.

Upang mangyari umano ito, sinabi ni Romualdez na dapat maging malawakan ang paggamit ng estratehiya na climate-resistant at mailatag ng maayos ang subregional supply at value chain. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on