WebClick Tracer

Pero baha pa rin: P1B kada araw binubuhos sa mga flood control project – Eddie Villanueva

Mayroon umanong nakalaang P1 bilyon kada araw ang gobyerno para sa mga flood control project pero bumabaha pa rin, ayon kay CIBAC party-list Rep. Eddie Villanueva.

Kaya tanong ni Villanueva sa nakaraang pagdinig ng panukalang budget para sa susunod na taon, tama ba ang pinagkakagastusan ng gobyerno.

“Puro flood control structures along rivers, slope protection, revetment, river wall, etc. Madam Chair, these are the kinds of projects na pinopondohan natin in the previous years pero palala pa rin nang palala ang pagbaha sa ating bansa. Gusto ko sanang malaman kung effective ba ang ganitong approach? Heto ba ang solusyon sa problema natin sa pagbaha?” tanong ni Villanueva.

Sa ilalim ng 2023 national budget, sinabi ni Villanueva na mayroong P280 bilyon ang flood control management program ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ito ay bukod pa sa pondo para labanan ang baha sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), National Irrigation Administration (NIA) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sa panukalang 2024 national budget P265 billion naman ang flood control budget ng DPWH bukod pa sa ibang ahensya.

“Sa aming pag-aaral, around P1 billion a (day) ang funding against flood. Meron po ba kayong assessment o review kung effective ang mga nailagay nating budget dito sa flood control? Meron po bang integrated budgeting ng flood control para hindi nasasayang ang pera, P1 billion a day, tapos andaming naaapektuhan? Iyon lang ang aking paki-usap, alang-alang sa milyun-milyong kababayan na taon-taon ay nalulubog sa baha, lalo na sa aking lalawigan sa Bulacan, bigyan po natin ng special na pagsilip ang mga flood control budgets during this budget season,” dagdag pa ni Villanueva.

Nanawagan din si Villanueva ang mas mataas na pananagutan sa mga gumagamit ng pondo para sa flood control project upang matiyak na tama ang kanilang ginagawa.

“Nakakagalit po kasi Madam Chair ang palala nang palalang problema ng pagbaha. At sinasabi ko Madam Chair na this time hindi ko po kayang pumayag na iaa-approve ang bilyon-bilyong budget na inilalaan natin sa flood control management program. Kailangan po nating magparamdam ng pangil ng accountability, hindi po pwedeng business as usual lang,” giit ni Villanueva. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on