WebClick Tracer

Enrile sa mungkahi ni Zubiri na i-boycott China product: Salita lang ‘yan!

Pinaghihinay-hinay ng abogado ng Malacañang ang mungkahing i-boycott ang mga produkto ng Tsina bilang ganti sa ginawang pagbomba ng China Coast Guard ng tubig sa barko ng Philippine Coast Guard gamit ang kanilang water cannon sa West Philippine Sea.

Reaksiyon ito ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa naging pahayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri dahil sa ginawang pag-water cannon ng China Coast Guard sa barko ng PCG habang patungo sa resupply mission sa Ayungin Shoal.

Sa kanyang lingguhang programa sa SMNI news channel, sinabi ni Enrile na dapat pag-aralan ang mga sinasabi lalo na kung nasa mataas na puwesto dahil kapag hindi ginawa ay iisipin ng publiko na salita lang ito ng isang pulitiko.

“Hindi puwede yung padaskol-daskol tayo. Kailangan pag-aralan natin lahat ng bibitawan natin na mga salita natin lalong lalo na kung tayo ay nasa matataas na puwesto ng gobyerno. Kung hindi, sasabihin nila, ay salita lang yan,” ani Enrile.

Sinabi ng kalihim na sa kanyang personal na pananaw ay sang-ayon siya subalit dapat isipin muna kung ano ang magiging epekto nito sa bansa.

Mas malaki aniya ang mawawala sa Pilipinas kapag nag-boycott ng China products dahil mayroong export ang Pilipinas sa China, maraming Pinoy na nagtatrabaho sa China bukod pa sa utang ng gobyerno sa China.

Hindi rin aniya dapat isantabi ang tulong at ayudang ibinibigay ng China sa Pilipinas lalo na noong panahon ng nakalipas na administrasyon.

“Sa akin sa personal ok na ok yun pero ano ang counter-measure ng China? Magkano ang export natin sa China? Ilan ang OFW natin sa China? Magkano ang utang natin sa China? Magkano ang ayuda ng China sa atin?” dagdag ni Enrile.

Bago aniya magbitiw ng salita ay kailangang tiyakin muna kung may kakayahan ba  ang bansa  para tapatan ang China lalo na sa aspeto ng puwersa at kagamitan ng gobyerno.

“Kailangan meron tayo puwersa, gastusan natin ang puwersa natin. Ilan ba ang eroplano mo, ilan ba ang water cannon mo, ilan ba ang coast guard mo? Meron ka bang jetski? Meron ka bang Trillanes na puwedeng utusan?” wika ni Enrile. (Aileen Taliping)

See related stories:

Zubiri sa PH-China joint military exercise: Parang suicide

Bong Go sa China: Huwag kayong bully, rumespeto kayo

Higit 400 foreign vessel naispatan sa WPS, karamihan sa China – AFP

TELETABLOID

Follow Abante News on