WebClick Tracer

Bangsamoro Transitional Justice bill pinaplantsa sa Kamara

Inaprubahan ng House Special Committee on Peace, Reconciliation and Unity na pagsama-samahin ang mga panukala na bubuo ng Bangsamoro Transitional Justice bill.

Isang technical working group ang binuo upang pag-isahin ang House Bill 4330 na akda ni Basilan Rep. Mujiv Hataman, at House Bill 2975 na akda ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto, ang chairperson ng komite.

Sa nakaraang pagdinig ng komite, sinabi ni Hataman na layunin ng panukala na bumuo ng kasunduan sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pamamagitan ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) para sa transitional justice program.

“Commitment ng pamahalaan sa ilalim ng peace agreement ang magtalaga ng mekanismo na tutugon sa mga hinaing ng mamamayan sa Bangsamoro na naging biktima ng injustice, human rights violations at marginalization na nagresulta sa land dispossession,” sabi ni Hataman.

Layunin ng panukala na magtayo ng tanggapan na didinig sa boses ng mga biktima ng digmaan at mekanismo upang maimbestigahan ang mga seryosong paglabag sa international human rights law and international humanitarian law.

“Simple lang naman ang sinasabi ng panukalang batas: hindi magkakaroon ng tunay na kapayapaan sa Bangsamoro kapag hindi maghihilom ang mga sugat ng digmaan at tutugunan ang mga epekto nito sa mamamayan. At para magkaroon ng paghilom, kailangang harapin ang nakaraan at bigyang hustisya ang mga pinagdaanan ng mga mamamayan ng Bangsamoro,” dagdag pa ni Hataman.

Reresolbahin din umano sa panukala ang mga agawan sa lupa ng mga nag-aagawang panig upang maisulong ang kapayapaan sa lugar.

Ang panukala ay unang inihain noong 17th Congress at naaprubahan ng komite. Muli itong inihain noong 18th Congress subalit hindi naaprubahan ng komite.

Umaasa naman si Hataman na maaaprubahan na ito ng Kongreso ngayong 19th Congress. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on