WebClick Tracer

Subject babawasan sa ‘K-10’

Mas konti umano ang subject ng mga Grade 1 hanggang Grade 3 sa ilalim ng Kinder to 10 MATATAG Curriculum, ayon kay House Committee on Basic Education and Culture chairperson at Pasig City Rep. Roman Romulo.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Romulo na nagdesisyon ang Department of Education na bawasan ang mga aralin upang mas matutukan ang pagtuturo ng functional literacy.

Mula sa kasalukuyang pitong subject sa Grade 1 at 2 magiging lima na lamang umano ito.

“Lahat po yan pag titignan po ninyo yung reading literacy, yung languages, yung Makabayan, GMRC, at Mathematics lahat po yan patungo sa functional literacy, reading comprehension, and basic mathematics,” sabi ni Romulo.

Sa Grade 3, ayon kay Romulo, ang kasalukuyang walong subject ay magiging anim. Ang madadagdag umano ay Science.

Inalis na rin umano ang mother tongue bilang subject pero mananatili umano ito bilang medium of instruction.

Batay sa naging karanasan ng DepEd, sinabi ni Romulo na naging mahirap ang pagtuturo ng mother tongue dahil sa dami ng kinakailangang learning materials dahil mayroong 180 dialect at 19 na major languages sa bansa.

“Sa totoo po tama po na huwag nating gawing subject sa grades 1 , 2, and 3 mananatili siyang medium of instruction dahil nasa batas po ng K to 12 yan at siguro dito pa lamang makikita na po natin magkakaroon po tayo ng pagtutok, ang DepEd natin sa pagsegurado na (ang) reading comprehension ay mag-i-improve at yung basic mathematics skills ay mapo-possess ng ating mga learners,” dagdag pa ng kongresista.

Ayon kay Romulo binawasan din ang mga competencies sa mga subject at inalis ang mga paulit-ulit lang para mas maituon ang pagtuturo sa functional literacy.

Magsasagawa umano ng pilot run ang DepEd sa mga piling paaralan sa paparating na School Year 2023-2024. Gagamitin din umano ang panahong ito upang makapaghanda ang DepEd at mga eskuwelahan sa mga kinakailangang pagbabago.

(Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on