WebClick Tracer

Lapid: Pagkuha ng CPD program ng OFW burahin

Itinutulak ni Senador Lito Lapid ang pag-exempt sa mga kuwalipikadong Overseas Filipino Workers (OFWs) na kumuha pa ng Continuing Professional Development o CPD program sa Pilipinas.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10192 o mas kilala bilang Continuing Professional Development Act of 2016, inoobliga ang lahat ng mga licensed professional worker sa bansa na magpatuloy ng pag-aaral sa pagkuha ng CPD units at magsumite ng evidence of compliance para sa renewal ng kanilang lisensya.

Nauna nang nabigyan ng exemption sa batas ang OFWs sa bisa ng Professional Regulation Commission Resolution No. 2019 – 1146, series of 2019, pero sabi ni Lapid, kailangan pa rin ng enabling law para ma-insitutionalize ito.

Bagama’t maganda ang intensyon ng batas sa promosyon ng professional excellence, ikinatuwiran ni Lapid na hindi praktikal at dagdag pabigat lang ang pagkuha nito para sa ating mga OFW.

“Kaisa po ako ng ating mga OFW na hindi na kailangan pang i-require o obligahin na mag-comply sa CPD act sa panahon po ng kanilang pagtatrabaho sa ibang bansa,” saad ni Lapid.

“Hindi ito makatarungan, magastos at nanghihingi ito malaking sakripisyo mula sa ating mga modernong bayani natin na malayo sa kanilang pamilya at nakikipag-sapalaran sa ibang bansa,” sambit pa niya.

Ang kasalukuyang probisyon ng CPD law ay salungat sa “unique circumstances” ng mga OFW sa ibayong dagat.

Bukod sa aktwal na distansya sa pagitan ng Pilipinas at ng bansang pinagtatrabahuhan ng mga OFW, inihayag pa ni Lapid na sobrang gastos din ito dahil sagot ng mga OFW ang mahal na gastos sa pamasahe at wala silang sahod kapag dumalo sa CPD seminars, workshops o training programs na lahat ay ginagawa dito sa Pilipinas.

“Kaya hinihiling ko sa ating Senado na agarang ipasa ang inakda kong Senate Bill No. 2349 na maglilibre sa obligasyon ng mga OFW na kumuha ng CPD seminars, workshops o training programs sa panahon ng kanilang pagta-trabaho sa ibang bansa,” saad ni Lapid.

“Sa ganitong paraan, maipararamdam sa kanila ang taus-puso nating pagkilala sa sakripisyo at mahalagang papel nilang ginagampanan para maihaon ang buhay ng kanilang mga pamilya, gayundin ang malaking ambag nila sa ekonomiya ng bansa,” saad pa niya. (Dindo Matining)

See Related Story Here:

Lapid: Tourism slogan gawing ‘Wow, It’s more fun! Love, the Philippines!’

TELETABLOID

Follow Abante News on